ANG kaarawan ng naghaharing monarkiya ay lagi nang isang masayang selebrasyon sa Kaharian ng Netherlands. Ngayong taon, ipagdiriwang ng mamamayan at ng gobyerno ng Netherlands ang ikatlong King’s Day (Koningsdag) nito simula nang bitiwan ni Her Majesty, Queen Beatrix ang trono para sa panganay niyang anak na lalaki na si Willem-Alexander, na nagdiriwang ng kaarawan tuwing Abril 27.

Sa King’s Day, naging tradisyon na ng Royal family na bisitahin ang isa o ilang lugar. Sa mga okasyong gaya nito, aaliwin sila ng mga display at pagtatanghal tungkol sa mga makasaysayang lokal na pangyayari. Karaniwan nang nakikisaya ang mga miyembro ng Royal family sa mga palaro at binabati ang libu-libong nakikisaya sa kanila.

Sa mga bayan at siyudad sa Netherlands, partikular na sa Amsterdam, Arnhem, Utrecht, at The Hague, karaniwan nang sinisimulan ang selebrasyon ng King’s Day sa bisperas ng kaarawan ng Hari. Sa maraming establisimyento sa mga bayan at lungsod, nagbubukas ng kani-kanilang puwesto ang mga tao upang magbenta ng iba’t ibang bagay at produkto na may tema ng King’s Day. May opisyal na pagtatanghal ng musika na idinadaos tuwing King’s Day. Marami ang umaawit ng “Het Wilhelmus”, isang tula na isinulat noong 1574 na naglalarawan sa buhay ni William of Orange (William the Silent) at sa kanyang pakikipaglaban para sa mamamayang Dutch. Iba’t ibang bersiyon ng tula ang tinutugtog ng mga banda na nagtatanghal sa mga aktibidad para sa King’s Day at sa mga istasyon ng radyo.

Ang Queen’s Day (Koninginnedag) ay ipinagdiwang noong 1890 makaraang hirangin na reyna si Princess Wilhelmina kasunod ng pagpanaw ng kanyang ama. Si Queen Juliana, ang anak ni Wilhelmina, ay kinoronahan noong 1948 at simula 1949, binigyang-pugay sa mga selebrasyon ng Queen’s Day ang kanyang kaarawan tuwing Abril 30. Ang anak ni Queen Juliana, si Beatrix, ay naging reyna noong Abril 30, 1980. Ang kaarawan niya ay Enero 31, ngunit nananatiling ipinagdiriwang ang Queen’s Day tuwing Abril 30—kasabay ng sariling araw ng pagpuputong ng korona kay Queen Beatrix, at kaarawan ng kanyang ina. Taong 2013 nang ihayag na simula sa 2014, ang Queen’s Day sa Netherlands ay gagawing King’s Day, at ipagdiriwang tuwing Abril 27, sa halip na Abril 30. Ang pahayag na ito ay kasunod ng paglisan ng reyna sa kanyang trono upang maluklok sa puwesto ang panganay niyang si Willem-Alexander.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Si King Willem-Alexander ang pinakabatang monarkiya sa Europe ngayon. Isinilang siya sa Utrecht at siya ang panganay na anak ni noon ay Princess Beatrix sa German diplomat na si Claus von Amsberg. Hinirang siya bilang Prince of Orange at inaasahang magiging tagapagmana ng trono ng Netherlands noong Abril 30, 1980, nang ang kanyang ina ay koronahang reyna.

Ngayong taon, ipagdiriwang ng Kaharian ng Netherlands at ng Republika ng Pilipinas ang ika-65 taon ng diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa at ang 150 taon ng ugnayang konsulado. Magdaraos ang Netherlands Embassy sa Pilipinas ng iba’t ibang aktibidad sa tema ng “innovation for sustainability”. Tampok sa programa ng mga aktibidad ang serye ng lecture, isang film festival, palitan ng mga fashion professional, at isang malaking event sa trade mission sa Oktubre.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Kaharian ng Netherlands, sa pangunguna ni Kanyang Kamahalan, King Willem-Alexander, sa pagdiriwang nila ng King’s Day.