NAHULI man nang kaunti ang kolum na ito ay maganda pa ring talakayin. Nitong nakaraang linggo, nagkaroon ng blackout sa terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Napakaraming naperwisyo, nasa 82 local flights ang nakansela at naantala ang apat na international flights. At siyempre pa, katakut-takot na pasahero ang nag-alburoto.

Ang nangyaring ito ay napakalaking kahihiyan. Sa taya ng mga dalubhasa, isa na ang Manila International Airport sa pinakapalpak na paliparan sa mundo. Buhat sa mga pasilidad, palikuran, at iba pa, ay mas matinding kahihiyan kung idaragdag pa ang ‘TANIM-BALA’ modus.

Pero ang blackout sa NAIA ay tila ipinagkibit-balikat lamang ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Jose Angel Honrado. “Malas” lang daw!

Simula nang manungkulan si Honrado sa MIAA ay maya’t mayang nagkakaroon ng aberya, at isa na rito ang pagbagsak ng kisame. “MALAS” pa rin ba ang lahat ng iyon? O si Honrado ang nagdudulot ng kamalasan sa Pilipinas?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang totoo, kung iba ang naging pangulo, baka matagal nang sinibak sa puwesto si Honrado. Ngunit mukhang kadugo ni Honrado ang Pangulo ng bansa. Marami ang naniniwalang hindi bagay si Honrado sa kanyang puwesto, at hindi niya alam ang kanyang trabaho. Para siyang kuwadradong bagay na isinilid sa bilog na kahon. Pero dahil kadugo, hindi na bale na magkahetot-hetot ang ating pambansang paliparan huwag lamang “gumulong ang ulo” ni Honrado.

Napabalita pang balak ni Honrado na ipa-feng shui ang airport sapagkat baka raw may masamang espiritung gumagala roon na nagdudulot sa kanya ng kamalasan.

Susmaryang Ina ng Awa, hindi kaya si Honrado ang malas sa NAIA? Hindi kaya siya ang dahilan ng kabi-kabilang aberya sa paliparan? Kung ibang pinuno siguro na may delikadesa ang namamahala roon, dahil sa kahihiyan ay matagal nang nagbitiw. Hindi na niya siguro hihintayin pang sipain siya ng Pangulo. Sapagkat kilala naman ng lahat ang ating Pangulo, basta kaibigan at kadugo niya, kahit anong gawin, okey lang.

May delikadesa ba si Honrado? Sana’y magkaroon siya kahit na kaunti. (Rod Salandanan)