Itinanggi kahapon ng Malacañang ang iginigiit ng mga kritiko na doble-kayod si Pangulong Aquino sa pangangampanya para sa mga pambato ng administrasyon na sina Mar Roxas at Leni Robredo upang matiyak na hindi siya makukulong kapag bumaba na sa puwesto, gaya ng mga sinusundan niyang presidente.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. na walang kinatatakutan si Pangulong Aquino dahil may integridad at buong katapatan itong naglingkod sa gobyerno.
Ayon sa mga kritiko, masipag mangampanya ang Presidente upang masigurong mananalo ang tambalan nina Roxas at Robredo, dahil natatakot umano ang Pangulo na makukulong din siya pagkatapos ng kanyang termino, gaya ng sinapit ng mga dating Pangulo na sina Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo, sakaling sinuman kina Davao City Mayor Rodrigo Duterte o Vice President Jejomar Binay ang manalo sa eleksiyon sa Mayo 9.
Iginigiit ng mga kritiko na nababahala si Pangulong Aquino sa mga kasong isasampa laban sa kanya kapag bumaba na siya sa puwesto. Kabilang sa mga ito ang may kinalaman sa usapin ng engkuwentro sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF) ng pulisya; ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o “pork barrel” funds, at ang pagiging ilegal ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Gayunman, sinabi ni Coloma na taliwas sa mga batikos, nais lang ni Pangulong Aquino na matiyak na magpapatuloy ang mga repormang sinimulan ng administrasyon nito.
“Walang ganyang kinakatakutan si Pangulong Aquino, dahil naglilingkod siya nang tapat at may integridad,” sabi ni Coloma. “Itinataguyod niya ang paghahalal sa mga lider na makapagpapatuloy sa mabuting pamamahala at sa Daang Matuwid.”