Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na ipatutupad sa Mayo 8 at 9 ang liquor ban kaugnay ng eleksiyon.

Sa bisa ng Resolution No. 10095, sinabi ng Comelec na ipatutupad at epektibo ang liquor ban sa bisperas ng eleksiyon, Mayo 8 (Linggo), at sa mismong araw ng halalan sa Mayo 9 (Lunes).

Ayon sa komisyon, sa nasabing panahon “it shall be unlawful for any person, including owners and managers of hotels, resorts, restaurants, and other establishments of the same nature to sell, furnish, offer, buy, serve, or take intoxicating liquor anywhere in the Philippines.”

Gayunman, inihayag ng Comelec na maaaring ma-exempt sa liquor ban ang mga hotel, resort, restaurant, at iba pang establisimyentong nasertipikahan ng Department of Tourism (DoT) bilang tourist-oriented, ngunit kailangan muna silang mabigyan ng written authority ng Regional Election Director ng National Capital Region (NCR), Provincial Election Supervisors, o City Election Officers.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Nilinaw naman ng Comelec na tanging mga dayuhang turista na umiinom ng alak sa nasabing mga establisimyento ang maaaring ma-exempt sa liquor ban.

Ang paglabag sa liquor ban ay isang election offense, at may katumbas na parusa na hanggang anim na taong pagkakakulong, pag-alis sa karapatang bumoto, at diskuwalipikasyon sa paglilingkod sa gobyerno.

(Leslie Ann G. Aquino)