KUNG may “Pambansang Kamao” sa katauhan ni boxing icon Manny Pacquiao, may “Pambansang Berdugo” naman ayon kay VP Jojo Binay. Siya raw ay si Mayor Rodrigo Duterte na nangunguna sa mga survey ngayon ng Pulse Asia at Social Weather Station. Bukod sa pagiging Pambansang Berdugo (national executioner), tinawag din siya ni Binay na banta sa demokrasya at sinungaling.

Si Duterte ay isa umanong berdugo dahil isinusulong niya ang karahasan at pagpatay sa mga tao, kabilang na ang mga bata at matanda, dahil lang sa suspetsa. Karamihan daw sa pinapatay ni Mayor Digong ay mahihirap na tao dahil takot siya sa mayayamang indibiduwal na baka lumaban sa kanya.

Bilang ganti, sinabi ni Duterte na si VP Binay ay higit na berdugo kesa kanya dahil ninanakaw niya ang salapi ng bayan. “Ako raw berdugo, ako raw ay magiging berdugo. My God, Vice President, ikaw ang berdugo ng pera ng bayan,” sundot ng alkalde na pinalakpakan ng kanyang mga tagasuporta sa isang okasyon sa Taguig City.

Itinanggi niya ang akusasyon na pumapatay siya ng mahihirap na tao na walang kalaban-laban. Ang itinutumba niya ay drug pushers, kriminal, rapist-murderers. Kailanman ay hindi umano siya pumatay ng bata, matanda at babae sapagkat sila ay dapat ilagay sa isang lugar na nangangailangan ng rehabilitasyon at pagkalinga.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Si Duterte ngayon ang Number One batay sa Marso 30-Abril 3 survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng ABS-CBN. Naungusan na niya si Sen. Grace Poe, na sinundan naman ni VP Binay at ni ex-DILG Sec. Mar Roxas. Sa Vice Presidentiables naman, naungusan na ni Sen. Bongbong Marcos si Sen. Chiz Escudero.

Mahigpit din ang labanan sa lokal na pulitika, ‘tulad sa Caloocan City. Sa survey ng Philippine Survey Research Center (PSRC), isinagawa noong Marso 18-22, ay nangunguna si Rep. Edgar Erice. Nagtamo siya ng 72% kontra kay ex-Rep. Mitch Cajayon (NPC) na may 23%.

Sa mayoralty race naman, nangunguna sa PRSC survey si incumbent Mayor Oscar Malapitan ng NP na may 67% laban kay NPC bet Recom Echiveri na may 26%. Si ex-Mayor Macario “Boy” Asistio (Independent) ay may 5%.

“Ito ay pagpapakita lang na nararamdaman at kinikilala ng taga-Caloocan ang mga nagawa at kontribusyon ng aking tanggapan sa larangan ng imprastruktura, pabahay, kabuhayan, kapayapaan, kabataan at pagtugon sa kanilang pangangailangan,” pahayag ni Erice.

Samantala, si beautiful CamSur Rep. Leni Robredo na aakalain mong isang matimtimang babae, ay may lason din pala ang dila. Ayon sa biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo, magiging katatawanan (laughingstock) sa mundo ang Pilipinas kapag nahalal si Sen. Bongbong Marcos. Parang hindi raw natuto ang mga Pinoy sa leksiyon ng martial law, sa Marcos dictatorship at sa mga pang-aabuso, at pangungulimbat sa pera ng bayan na tinatayang aabot sa $10 billion.

(Bert de Guzman)