Tinatanggap na ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga aplikasyon para sa mga bus na bibiyahe sa ibang ruta sa eleksiyon sa Mayo 9.
Sinabi ni LTFRB Board Member Ariel Inton na ang aplikasyon ay para sa sa Mayo 7-11 na marami ang magsisiuwi sa probinsiya para roon bumoto.
Ayon kay Inton, ang hakbangin ay alinsunod sa LTFRB memorandum circular 2015-008, na kapag marami ang dagsa ng pasahero palabas at papasok sa Metro Manila ay binibigyan ng special permit ang ibang bus para makabiyahe sa hindi nila ruta upang tiyaking makakasakay ang lahat ng pasahero.
Nilinaw naman ni Inton na ang special permit ay para lamang sa mga bus, at hindi kasama ang iba pang pampublikong sasakyan.
Ang paggamit ng bus sa panahong ito ay dapat na alinsunod sa mga alituntunin ng Commission on Elections (Comelec).
(Jun Fabon)