Ni JONATHAN SANTES

“Hindi pa napapanahon para magdiwang!”

Ito ang binitawang salita ng kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, standard bearer ng PDP Laban, matapos maungusan ng alkalde si Partido Galing at Puso candidate Sen. Grace Poe sa magkakahiwalay na survey na isinagawa kamakailan.

“Natutuwa kami sa resulta ng mga survey ng Social Weather Station (SWS), Pulse Asia, at pahayagang Manila Standard, subalit naniniwala kami na ang tanging makapaghuhusga kung sino ang dapat mahalal na pangulo ay ang taumbayan,” pahayag ni Leoncio Evasco, campaign manager ni Duterte.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Maingat pa rin ang kampo ni Duterte sa pagkokomento tungkol sa resulta ng first quarter survey ng SWS na isinagawa nitong Marso 30 hanggang Abril 2, sa 1,500 respondent: “Kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon, sino ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang Presidente, Bise Presidente, party list representative at mga senador ng Pilipinas? Narito ang listahan ng mga kandidato. Paki-shade o itiman po ang naaangkop na oval katabi ng pangalan ng taong pinakamalamang ninyong iboboto.”

Pinayagan ang mga respondent na punan ang kanilang balota at ideposito ito sa isang lalagyan na bitbit ng SWS interviewer.

Sa survey nitong Marso 30, umangat si Duterte ng 27 porsiyento mula sa 23 porsiyento na isinagawa nitong Marso 8-11. Sumunod si Sen. Grace Poe, na umani ng 23 porsiyento, mula sa 29 na porsiyento; Vice President Jejomar Binay, 20% mula sa 22%; dating Local Government Secretary Mar Roxas, 18% mula sa 19%; at Sen. Miriam Defensor Santiago, tatlong porsiyento mula sa isa.

“It’s not over, ‘til it is over,” giit ni Evasco.