BAWAT awit ay sinasabing may kasaysayan. Ito ang nagbibigay-kulay, buhay, linaw at tingkad sa kahalagahan at kagandahan ng awit lalo na kung taglay nito ang iba’t ibang uri ng damdamin, pangarap at mithiin. Maging makabayan o may kaugnayan sa kasaysayan at relihiyon. Mahalagang Mabatid ang kasaysayan na nakapaloob sa awit. Ang awit kay
Sta. Maria Jacobe ay hindi naiiba sa pagkakaroon nito ng kasaysayan. May dalawang awit kay Sta. Maria Jacobe bagamat pangrelihiyon ang paksa, nakapaloob naman ang diwa at kaangkupan nito sa angkan ng “Pugo” sa Angono, Rizal na nagmamahal kay Sta. Maria Jacobe.
Gabi ng Lunes Santo noong 1999 nang tumawag sa akin sa telepono si Ate Nene Pangilinan-Samson, ang mabait at butihing maybahay ni Diko Sonny B. Samson, naging pangulo ng United Laboratories (UNILAB).
Nagsusulat ako noon ng news feature kauganay sa Mahal na Araw na gagamitin ko sa DZRH. Sabi ni Ate Nene, igawa ko ng tula si Sta. Maria Jacobe. Napakagandang ideya. Hindi ako nakatanggi. Idinugtong pa ni Ate Nene na ibig ni Diko Sonny na magkaroon ng awit para kay Sta. Maria Jacobe.
Tumigil ako sa pagsusulat at inisip kung paano maiuugnay si Sta. Maria Jacobe sa angkan ng “Pugo” na sa kanya ay nagmamahal. Marahil, sa tulong na rin ng Diyos at sa patnubay sa akin ni Sta. Maria Jacobe, hindi ako nahirapan sa pagsulat ng tula para sa kanya. Tatlong saknong pa lamang ang naisulat kong tula. At nang basahin ko ito ay parang naroon na ang lahat tungkol kay Sta Maria Jacobe at sa angkan ng “Pugo”. Hindi muna ako natulog. Pinakinis ko ang tula at paulit-ulit na binasa. Hindi ko napigilang maluha sa bahagi ng aking tula na itinatampok si Sta. Maria Jacobe na matibay na buklod ng angkan ng “Pugo” sa Angono.
Narito ang bahagi ng aking tula na may pamagat na:
‘Awit kay Santa Maria Jacobe’
‘Pinagpalang babae ng mahal na Diyos/ Na ang kabanalan ay busilak at lubos;/ Aral at gawain ng Dakilang Kristo/ Ay iyong tinaglay hanggang sa Kalbaryo./ Sa bayan ng Angono, buklod na matibay/Ng angkan ng Pugo sa’yo’y nagmamahal/ Pagtawag sa Diyos, ikaw ang patnubay/ Hindi magbabago habang nabubuhay/ MARIA JACOBE kami ay gabayan/ Sa awa ng Diyos at buhay na banal/ MARIA JACOBE kami ay tulungan/ Sa alon ng buhay/ Lagi mong patnubayan.”
Ikaanim ng umaga ng Martes Santo noong 1999, tinawagan ko si Ate Adoring B. Perez. Sinabi ko na natapos ko na ang tula para kay Sta. Maria Jacobe. Binasa ko ang tula sa telepono. Tuwang-tuwa si Ate Adoring. Sabi ko sa kanya, itawag na kay Ate Nene sa La Vista, Quezon City. Makalipas ang ilang minuto, tumawag sa akin si Ate Adoring at sinabing nais marinig ni Ate Nene ang tula na ako ang magbabasa. At nang tawagan ko si Ate Nene ay tuwang-tuwa rin siya at sinabing bigyan ng kopya si Propesor Nonoy V. Diestro, isang mahusay na composer. Pakikiusapan niya ito na lapatan ng musika ang tula para kay Sta. Maria Jacobe. (Clemen Bautista)