ANG karahas tuwing eleksiyon ay matagal nang problema sa ating bansa. Sa halalan noong 2013, nag-ulat ang Philippine National Police (PNP) ng 35 pagpatay, 112 araw bago ang eleksiyon ng Mayo. Sa halalang sinusundan nito—noong 2010—nakapagtala ang Commission on Elections (Comelec) at PNP ng 130 insidente, kabilang ang pagpatay sa apat na kandidato sa pagkaalkalde, bokal, at konsehal, bukod pa sa 31 sibilyan.
Ikinokonsidera ang paulit-ulit na panganib na ito, nilagdaan ng Commission on Human Rights (CHR) nitong Lunes ang isang kasunduan para tugaygayan ang mga insidente ng karahasang may kaugnayan sa halalan, kabilang ang mga paglabag sa mga karapatang pantalo, na may kinalaman sa eleksiyon sa Mayo 9.
Nagpahayag na ng pagkabahala sa sitwasyon sa Abra, na pinangangambahan ang pagsiklab ng karahasan anumang oras, kung babalikan sa alaala ang mga insidente ng karahasan sa lalawigan simula noong 2006. Sa nasabing taon , binaril at napatay ng mga hindi nakilalang suspek ang re-electionist na si Mayor Marc Ysrael Bernos, ng La Paz. Ang nakababata niyang kapatid na si Joseph ang nagtuloy sa kanyang kandidatura at dalawang beses pa itong nahalal, habang ang biyuda niyang si Joy Valera Bernos ay kumandidato para kongresista at nanalo rin sa dalawang re-election.
Isa pang pamilya ng mga pulitiko, ang mga Bersamin, ang naging biktima rin ng karahasan. Pinaslang si Rep. Luis Bersamin matapos dumalo sa kasal ng isang kaanak sa Mount Carmel Church sa Quezon City. Ang pinsan niya, si Board Member James Bersamin, ay binaril at napatay habang nagdya-jogging sa harap ng Bangued Cathedral.
Bagamat hindi natukoy kung magkaugnay ang mga pagpatay na ito, o kung may kinalaman ito sa pulitika, nananatili pa rin ang mga ito sa isipan ng mamamayan ng Abra. Ang patriyarka ng mga Bernos, si dating Governor Andres Bernos, ay umaapela ngayon sa lahat ng kandidato na tuldukan na ang masasabing kultura ng karahasan sa lalawigan. May dahilan upang mabahala siya—ang kanyang anak na lalaki at manugang na babae ay kapwa kandidato sa pagkakongresista at pagkagobernador, ayon sa pagkakasunod. “Tayo ay may gobyernong demokratiko,” aniya, “Nagdedesisyon tayo sa kung sino ang mamumuno sa atin sa pamamagitan ng eleksiyon, hindi sa pagpatay sa isa’t isa.”
May anim na lalawigan na sa paunang election hotspot list ng PNP—ang Masbate, Pangasinan, Negros Oriental, Samar, Maguindanao, at Lanao del Sur—at masusi nang tinutugaygayan ngayon ang Abra. Makatutulong ang kasunduan sa pagitan ng Comelec at CHR, ngunit nakasalalay pa rin ang lahat sa mga pulitiko ng bansa. Ngayon pa lamang, dapat nang magpatupad ng espesyal na mga pagsisikap upang mapagkaisa at mapagsama-sama ang mga opisyal sa mga potensiyal na election hotpots na ito sa bansa at bumuo ng mga kasunduan na isasakatuparan para tiyakin ang isang payapang botohan sa Mayo 9, 2016.