May kabuuang 20 gintong medalya ang paglalabanan sa pagsisimula ng 2016 Ayala-Philippine National Open Invitational Athletics Championships ngayon sa Philsports oval sa Pasig City.
Mapapalaban ang lokal bet sa mga beteranong foreign rival na pawang nagsipagwagi ng medalya sa nakalipas na Singapore Southeast Asian Games sa kanilang pagsagupa sa tatlong araw na kompetisyon na nilahukan ng kabuuang 1,000 atleta.
“We have closed the registration at over a thousand athletes already, making this the biggest National Open in terms of attendance,” pahayag ni Philippine Athletics Track and Field Association secretary general Renato Unso.
Pangungunahan ni Rio Olympics-bound Eric Cray, kampeon sa SEA Games century dash, at Fil-American Brandon Thomas ang laban ng Pinoy sa men’s 100-meter heat kontra kina Malaysian sprinters Maulani Diman at Eddie Edward Jr., at Singaporean Khairyl Amri Bin Tumadi.
Pambato rin ng Malaysia si Rayzam Shah Wan Sofian, nagwagi ng silver medal sa men’s 110-meter hurdles noong 2015 SEA Games. Sasabak siya laban kina Filipino bet Patrick Unso at Francis Medina.
Mapapalaban naman si Fil-American Caleb Stuart, gold medalist sa SEA Games hammer throw, kontra kay Jackie Wong Siew Cheer, ginapi niya sa nakalipas na Singapore SEAG.
Inaasahan namang magiging madali kay Singapore’s Veronica Ferreira, bronze medalist sa SEAG 100-meter run, ang kampanya matapos umatras si Fil-American Kayla Richardson bunsod ng aralin sa eskwelahan sa Amerika.
Naitala ni Ferreira ang 11.88 segundo sa Singapore at ito ang gagamiting batayan ng Pinoy na magtatangkang humamon sa kanya sa Open na itinataguyod ng Ayala Corp.,sa pakikipagtulungan ng Milo Nutri-up, Philippine Sports Commission, Foton Philippines, PCSO, Summit Natural Drinking Water, Appeton, Asics Watch, at L TimeStudio.
Ayon kay PATAFA president Philip Ella Juico, ang National Open ang magsisilbing pagsasanay para sa kahandaan ng Pinoy hindi lamang makapagkwal;ipika sa 2016 Rio de Janeiro Olympics, bagkus maging sa 2017 Southeast Asian Games sa Malaysia, 2018 Asian Games sa Indonesia, at 2019 SEA Games sa Manila.
“The presence of foreign athletes from seven countries, including the Philippines, make this a world-class competition, where our athletes could learn a lot from in preparation for the bigger tournaments ahead,” sambit ni Juico.
Kabilang sa mga bansang lumahok ang Malaysia, Singapore, Hong Kong, Guam, Brunei at Mongolia. (Marivic Awitan)