SA huling survey ng Social Weather Station (SWS), nagtabla na sina Senadora Grace Poe at Mayor Rodrigo Duterte sa pagkapangulo. Naniniwala ang mga gumawa ng survey na ang pag-angat ng senadora mula sa kanyang dating pwesto ay dahil sa pagkakatagumpay niya sa mga disqualification case. Sumunod sa kanila si VP Binay at si Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas na nasa ikaapat na puwesto pa rin.
Sa pagka-bise presidente naman, nagtabla rin sina Sen. Bongbong Marcos at Chiz Escudero, base pa rin sa SWS survey. Dumikit naman sa kanila ang ka-tandem ni Roxas na si Kongresista Leni Robredo. Pumang-apat si Sen. Cayetano, pero malaki ang agwat ni Robredo sa kanya.
Ang pinakahuling anunsiyo ni Duterte ukol sa kanyang kandidatura, hinikayat niya ang mga botante na iboto si Cayetano na kanyang bise-presidente. “Kung hindi ninyo iboboto si Alan,” wika niya, “huwag na rin niyo akong iboto.”
Dalawang bagay ang puwedeng mangyari sa ginawang ito ni Duterte. Una, maaaring makumbinse ni Duterte ang mga botanteng buo na ang isip na iboto siya na iboto na rin si Cayetano. Kapag nangyari ito, hihilahin niya paitaas si Cayetano mula sa ikaapat na puwesto. Ikalawa, makatutulong din ito sa kanditura ni Duterte. Iyong buo na ang isip na iboto si Cayetano ay iboboto na rin si Duterte.
Kasi, sa dami ng partido at kumakandidato, marami ring pinagpipilian ang taumbayan. Marami sa kanila na kapag bumoto, hindi nagmumula sa isang partido ang ibinoboto nilang pangulo at bise presidente. Tingnan ninyo ang survey.
Sa PDP-Laban, nangunguna si Duterte sa pagkapangulo, pang-apat naman si Cayetano sa pagka-bise presidente. Sa Partido Liberal, nasa ikatlong puwesto si Robredo bilang bise presidente, nasa ikaapat na puwesto naman si Roxas sa pagkapangulo.
Sa mga kumakandidatong pangulo, si Duterte lamang ang gumawa ng ganitong endorsement para sa kanyang bise.
Napakagandang pangangampanya ito para sa kanyang ka-tandem dahil itinataya niya mismo ang kanyang sariling kandidatura. Hindi maramot at hindi makasarili si Duterte. Isinasakripisyo nga niya ang kanyang sarili para sa kanyang kasama na naiiwan sa laban. Masuwerte si Cayetano. (Ric Valmonte)