MISTULANG kakatwa na tumanggap ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) nitong Marso 23 ng sertipikasyon para sa ISO 9001:2008, isang pandaigdigang panuntunan na nagpapatunay sa de-kalidad na sistema ng pangangasiwa ng organisasyon, matapos itong tagurian ni Pangulong Benigno S. Aquino III na isang “failed experiment” ilang taon na ang nakalilipas.
Nagsagawa ng auditing ang TUV Rheinland Philippines sa ARMM noong Disyembre 21-22 at natukoy na de-kalidad ang sistema ng pangangasiwa ng pamahalaang pangrehiyon sa ilalim ng pamunuan ni Gov. Mujiv Hataman, batay sa walong prinsipyo ng pamamahala sa pagbibigay-pansin sa mga kostumer, pamumuno, pakikisangkot ng mamamayan, paraan ng proseso, proseso ng sistema sa pangangasiwa, tuluy-tuloy na pagpapabuti ng serbisyo, pagdedesisyon na nakabatay sa katotohanan, at patas na ugnayan sa supplier.
Mahigit isang milyong organisasyon sa mundo—mga negosyo at maging mga gobyerno—ang kabilang na ngayon sa pamilya ng ISO 9001. Sa Pilipinas, kabilang ang Cavite, Pangasinan, Laguna, Oriental Mindoro, at Ilocos Norte sa iilang lalawigan na may ISO 9001:2008 certification. Kahilera na ngayon ng mga ito ang ARMM na natukoy na may de-kalidad na sistema ng pamahalaan.
Panahon ng administrasyon ni Pangulong Corazon C. Aquino nang maitatag ang ARMM noong 1989, sa bisa ng Republic Act 6734, bilang pagtalima sa mandato ng konstitusyon para sa isang autonomous region sa Mindanao. Ang inagurasyon ay idinaos noong 1900 makaraang bumoto ang apat na lalawigan—Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, at Tawi-Tawi—sa isang plebesito upang maging bahagi nito. Pinalawak pa ito ay sinaklaw na rin ang Marawi City at Basilan, alinsunod sa RA 9054 noong 2001.
Sa loob ng maraming taon, isa ang ARMM sa pinakamahihirap na lugar sa bansa, ngunit simula nang maluklok sa puwesto si Governor Hataman, na inilalarawan bilang tagapagpatupad ng reporma at masigasig sa trabaho, malaki ang iniunlad ng rehiyon. Taong 2011 nang italagang OIC regional governor si Hataman ni Pangulong Aquino, isang kaibigan at kaalyado simula noong pareho pa silang mambabatas sa Kamara de Representantes. Kumandidato rin si Hataman sa ilalim ng Liberal Party ng administrasyon noong 2013 at nagtamo ng landslide victory.
Marso 21 ngayong taon nang bumisita si Pangulong Aquino sa Basilan, isa sa mga probinsiyang saklaw ng ARMM, para sa inagurasyon ng P1.8-bilyong Basilan Circumferential Road, 16 na taon matapos simulan ang konstruksiyon nito. Tinukoy ng Pangulo ang iba pang proyekto sa lalawigan, at sa iba pang bahagi ng ARMM.
Sa mga proyektong gaya nito, hindi masasabing isang “failed experiment” ang ARMM gaya ng paglalarawan dito ng Pangulo noong 2012. Maaaring nasabi niya ito noon upang suportahan ang pagsisikap ng kanyang administrasyon para maitatag ang isang Bangsamoro Political Entity sa Mindanao, batay sa kasunduan ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front.
Ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na magsasakatuparan sana sa planong ito, ay nabigong makapasa sa Kongreso, ngunit maaaring ang ideya ng Bangsamoro ay isulong din ng susunod na administrasyon at ng susunod na Kongreso. Kapag nangyari ito, mas mainam sigurong tukuyin ang ARMM bilang isang mahalaga at solidong pundasyon na pagtatayuan ng bagong Bangsamoro Autonomous Region.