Matinding hamon ang iniwan ng Team Philippine Navy – Standard Insurance sa kanilang mga karibal matapos pagwagian ang Mindanao at Visayas leg ng LBC Ronda Pilipinas.

Sa pagsikad ng pamosong karera Abril 3 para sa Luzon leg, inaasahan ang mahigpit na pagbabantay para mapigilan ang Navymen sa kanilang layuning walisin ang premyadong bike marathon sa bansa.

Inangkin ng Team Navy ang unang yugto na Mindanao Leg, tampok ang individual overall championship ni Jan Paul Morales, habang nadominang muli ng koponan ang Visayas leg, sa pangunguna ni overall titlist Ronald Oranza.

Gayunman, may bagong hamon sa koponan, higit at naipahayag ng grupo na handa sila maging sinuman ang makaharap sa laban.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sumali sila rito sa karera para malaman nila iyong sinasabi nila,” hamon ni 2009 Tour champion at beterano na si Joel Calderon bilang sagot sa isyu na mga batang siklista lamang ang kanilang tinatalo sa Ronda.

“Magagaling lang sila magsalita pero hindi naman nila magawa,” sambit ni Calderon, nagwagi sa Stage 4 Criterium ng Visayas leg ng karera na itinataguyod ng LBC, LBC Express, MVP Sports Foundation, Petron, TV5, Mitsubishi Motors, Ace Sports Group, National Sports, DWIZ, 97.9 Home Radio, Maynilad, Standard Insurance, Versa.ph, 3Q Sports Management, Inc., Pueblo de Panay, Pueblo de Oro Development, NLEX, Paseo, GrPro, Megaworld Iloilo Business Park, Time Depot, Garmin Fenix 3, PhilCycling, Outdoors Avertising, Inc., at event partner Iloilo Bike Festival, Tour of Pines Vuelta Dagupan at Dan’s Outdoor 360.

Dahil dito, inaasahan na mas magiging maigting ang kampanya ng Team Navy sa ikatlo at huling yugto ng LBC Ronda Pilipinas.

“The Ronda organizers made new innovations by holding a combination of road race, individual time trial and criterium races per leg which is now the ongoing trend in the international cycling community,” pahayag ni Ronda Pilipinas Executive Project Director Jaideep “Mo” Chulani.

Kukumpletuhin ang Ronda sa pagsasagawa ng Luzon stage na binubuo ng Stage One Criterium sa Paseo sa Sta. Rosa, Laguna sa Abril 3 at agad susundan ng Stage Two ITT mula Talisay paakyat sa Tagaytay sa Abril 4. Ang Stage Three Criterium ay iikutin ang Antipolo City sa Abril 6 bago ang Stage Four Road Race mula Dagupan, patungo sa Baguio sa Abril 8, at panghuli ang Stage 5 Criterium sa mismong City of Pines.