Patay ang isang pintor matapos niyang yakapin ang linya ng kuryente ng bentilador habang lango sa alak sa kanilang bahay sa Quezon City, nitong Huwebes.

Nakilala ang nakuryenteng pintor na si Mario Centeno, 36, ng Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Ayon sa pulisya, nagising si Centeno dahil sa ingay na nilikha ng kanyang anak na naglalaro sa kanyang silid dakong 11:00 ng umaga.

Dahil lango pa rin sa alak, nagwala si Centeno at pinagbabato ang mga gamit sa loob ng bahay, kabilang ang isang bentilador.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Tinangka pa umanong awatin ng misis ng pintor ang biktima subalit lalo itong naburyong at hinataw ang bentilador sa pader hanggang sa mawasak.

Nang mapagod sa pagwawala, napalupasay si Centeno sa sahig habang yakap ang bentilador na hindi batid na may hiwa ang linya ng kuryente nito kaya nakuryente siya.

Isinugod si Centeno sa East Avenue Medical Center, at doon siya ideneklarang dead on arrival. (Betheena Kae Unite)