HANGGANG ngayon, hindi ako makapaniwala na isang anting-anting ang medalyon na ipinagkaloob sa akin ng mag-asawang Igorot, 40 taon na ang nakalilipas. Subalit ipinagdiinan nila na ang naturang malapad na medalyang tanso ay isang agimat na magliligtas sa akin sa panganib at karamdaman; magdudulot ito ng biyaya at magandang kapalaran; at magpapatatag sa determinasyon sa ibayong pakikipagsapalaran sa buhay.
Mahigpit ang tagubilin ng mag-asawang Igorot: Kailangang laging usalin ang maikling Latin prayer na kalakip ng medalyon tuwing ako ay paalis ng bahay at kung nasa gipit na kalagayan. Ibig sabihin, kailangang nakasabit sa akin ang itinuturing nilang anting-anting sa lahat ng pagkakataon. Tuwing Semana Santa, ang medalyon ay dapat taglayin sa pagsamba, lalo na kung Biyernes Santo sa Quiapo church. Hindi ko kailanman tinangka, subalit tiniyak nila na ang medalyon ay hindi tatalaban ng bala kung babarilin.
Hindi ba maging ang isang bala na walang pulbura ay itinuturing ding isang anting-anting? Ito ang laging idinadahilan ng mga nagiging biktima ng tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Isa itong nakadidismayang katiwalian na hindi lamang pinagkakakitaan ng mga tiwaling airport personnel; nagdudulot ito ng nakaririmarim na batik sa administrasyon.
Sinasabi na ang ganitong uri ng agimat ay nakapagtataboy umano ng mga mangkukulam at iba pang masasamang espiritu.
Nagliligtas din ito sa panganib na maaaring suungin ng mga naniniwala sa agimat.
Taliwas ito sa paniniwala ng ilang sektor ng pananampalataya, lalo na ang Catholic church. Kahawig ito ng kanilang paninindigan sa pagpepenitensiya at pagpapapako sa krus tuwing Biyernes Santo. Lagi nilang binibigyang-diin na hindi kailangang parusahan at paduguin ang sarili upang tularan lamang ang paghihirap ni Hesukristo sa kalbaryo upang tubusin ang kasalanan ng sanlibutan.
Ang tunay na anting-anting ay nasa puso at isipan ng mga nilikha; nasa paggawa ng mabuti sa kapwa, pagpapakumbaba, pagpapatawad, pagmamalasakit at pagkahabag. Mga aral ito na ikinintal ng Dakilang Manlilikha sa ating kamalayan. Ito ang dapat mangibabaw sa ating pakikipagsapalaran.
Ang medalyon na ipinagkaloob sa akin ng mag-asawang Igorot ay mananatili na lamang isang alaala na magiging bahagi ng aking buhay. (Celo Lagmay)