NGAYONG panahon ng Kuwaresma, ang lahat ay dapat na magnilay-nilay, mag-ayuno, magsakripisyo.
Kung pagmamasdan n’yo sa loob ng mga simbahan ngayon, mahaba ang pila ng mga nangungumpisal.
Ito ang panahon upang tayo ay magsisi sa mga nagawang kasalanan at humingi ng tawad kay Hesukristo, sa Panginoong Diyos.
Nakalulungkot na sa tuwing Kuwaresma, ang unang pumapasok sa kukote ng dumaraming Katoliko ay “bakasyon.”
Sa halip na pinaghahandaan ang pagkamatay at pagkabuhay ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsisimba at taimtim na pagdarasal, mas abala pa ang mamamayan sa paghahanda ng ipasasalubong sa kanilang mga kamag-anak sa uuwiang lalawigan.
Sa halip na naglalaan ng kahit na katiting na panahon upang mangumpisal, mas abala ang marami sa pagkukuwenta ng gagastusin sa pagpunta sa beach, o pangingibang-bansa.
Marami na ang naliligaw sa paggunita sa Mahal na Araw, at marahil na nagiging dahilan kung bakit tayo nalalayo sa Kanya.
At sa halip na manisi, ninais ni Boy Commute na gamitin ang espasyong ito upang maibalik ang puso’t sarili sa Diyos, sa Kanyang pinakamahalagang sandali ng pagpapakita ng pagmamahal sa sanlibutan.
Masyadong marami na kasi ang makasalanan.
Sa paggunita sa Huwebes Santo, ang bitaw ni Boy Commute:
Mahal kong Panginoon, patawarin n’yo po ako sa aking mga kasalanan.
Dahil sa pag-iisip sa sarili, nakakalimot ako na mayroon pa akong kapwa-tao na dapat ding mabuhay nang masaya at disente.
Sa tuwing ako’y magko-commute, hindi na po ako nagbibigay ng upuan para sa mga senior citizen, buntis, at may bitbit na bata.
Sa tuwing ako’y magko-commute, palagi po akong sumisingit sa pila.
Wala rin po akong galang sa mga nakatatandang driver dahil nakakaligtaan ko na pong bigkasin ang “opo” at “po” sa tuwing sila’y kakausapin.
Sa halip na bigyan ng espasyo, pilit ko pong isinisiksik ang aking sarili sa loob ng jeepney o bus sa kabila ng namimilipit na ang aking katabi dahil sa pagkakaiipit sa kanyang puwesto.
Patawarin n’yo po ako, Mahal na Diyos, dahil hindi ko po inaakay ang kababaihan na pasakay sa mga jeepney.
Madalas din pong uminit ang aking ulo kapag hindi agad tumitigil ang jeep sa aking pagsitsit sa driver.
Napansin ko rin po, Panginoong Diyos, na ako pa ang galit sa kapag walang baryang maipalit ang driver tuwing umaga.
Sa aking pagkukumpisal, sana’y magkaroon ng liwanag sa aking puso ang tunay na diwa ng Semana Santa at kahit papaano’y magbago ang aking ugali nang kahit kaunti.
Amen. (ARIS R. ILAGAN)