Ang ilan sa composers at interpreters ng top 15 songs sa' Himig Handog P-Pop Love Songs 2016' copy

MAGAGANAP ang pinakaaabangang finals night ng Himig Handog P-Pop Love Songs 2016, na kapansin-pansing palaki nang palaki taun-taon, sa Kia Theather sa Abril 24 (Linggo).

Bigatin ang magiging host ng pinakamalaking worldwide OPM songwriting competition, sina Robi Domingo, Enrique Gil, Liza Soberano, at Kathryn Bernardo at may special performances si Daniel Padila at iba pang surprise guests.

Tampok din sa gabi ng parangal ang pagbibigay-buhay ng pinakasikat na singers sa bansa ng top 15 songs na napili mula sa mahigit 6,000 entries na ipinasok sa kumpetisyon.

Human-Interest

Dating tindero ng isda sa Quiapo, sikat na filmmaker na sa Dubai!

Kabilang sa mga ito ang duet nina Kyla at Kris Lawrence sa Monumento na komposisyon ni Jungee Marcelo; Angeline Quinto at Michael Pangilinan sa Parang Tayo Pero Hindi ni Marlon Barnuevo; KZ Tandingan at Jay-R sa Laban Pa ni David Dimaguila; Janella Salvador at Marlo Mortel sa Mananatili ni Francis Louis Salazar; at Bailey May at Ylona Garcia sa O Pag-ibig nina Honlani Rabe at Jack Rufo.

Kasali rin sa finalists si Barbie Almalbis para sa Ambon ni Nica del Rosario; Nyoy Volante para sa Patay na si Uto ni Oliver Narag, Itchyworms para sa Dalawang Letra ni Davey Langit; Kaye Cal para sa Nyebe ni Aries Sales; Morissette para sa Diamante ni Jungee Marcelo; Juris para sa Bibitawan Ka ni Hazel Faith dela Cruz; Klarisse de Guzman para sa Sana’y Tumibok Muli ni Jose Joel Mendoza; Jona para sa Maghihintay Ako ni Dante Bantatua; Daryl Ong para sa Minamahal Pa Rin Ako ni Rolando Azor; at Jolina Magdangal para sa Tama Lang nina Agatha at Melvin Morallos.

Gaya sa mga nakaraang Himig Handog, magwawagi ng P1 milyon ang grand prize winner at P500,000 naman ang maiuuwi ng 2nd Best Song. Magkakamit naman ng P200,000, P150,000, at P100,000 ang composers ng 3rd, 4th, at 5th Best Songs, respectively.

Samantala, maaaring suportahan ng fans ang kanilang favorite song entries at interpreters nila

sa pamamagitan ng pagboto sa iba’t ibang special awards categories. Bumoto sa MOR 101.9 para sa “MOR’s Choice” sa pamamagitan ng pag-text ng MORHHSONG <1 to 15> at i-send ito sa 2366 para sa lahat ng networks. Mayroon ding “Onemusic.ph Favorite Interpreter” na maaaring iboto sa pamamagitan ng pagboto sa onemusic.ph. Para naman sa “Star Music Listeners Choice,” bumili lang ng “Himig Handog P-Pop Love Songs 2016” album, piliin ang gustong kanta sa voting coupon na nakalakip sa album, at ihulog ito sa drop box sa record outlet na pinagbilhan.

Bukod sa album na nagkakahalagang P299, tampok din ang top 15 songs sa music video na nilikha ng mga estudyante ng ilan sa mga unibersidad at kolehiyo sa bansa, kabilang na ang Ateneo De Manila University, University of Sto. Tamos, University of the East, Far Eastern University, PUP Manila, Mapua Institute of Technology, College of St. Benilde, San Sebastian College-Recoletos, Miriam College, San Beda College Alabang, St. Paul University Manila, Meridian International College, Asia Pacific College, Asia Pacific Film Institute, at iAcademy.

Para sa tickets, bisitahin ang www.ticketnet.com.ph.

Para sa karagdagang impormasyon at kumpletong voting mechanics para sa special awards, bisitahin angwww.facebook.com/mor1019 at onemusic.ph/himig-handog. Para naman mapanood ang recording sessions at lyrics videos ng mga awitin, pumunta lang sa www.youtube.com/starrecordsinc/videos. (Ador Saluta)