Arestado ang dalawang lalaki matapos maaktuhang bumabatak ng shabu sa kanilang inuupahang unit sa Barangay Moonwalk, Parañaque City, kamakalawa.

Kinilala ang dalawang pinaghihinalaang drug addict na sina Nery Albalate, 35; at Alvin de Mesa, kapwa residente ng Rafael Street, San Agustin, Bgy. Moonwalk.

Naaktuhan ng mga tauhan ng Parañaque Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) sina Albalate at De Mesa habang bumabatak ng shabu sa kanilang inuupahang unit, dakong 3:30 ng hapon nitong Biyernes.

Sa panayam, aminado si Albalate na regular siyang humihithit hindi lang ng shabu kundi maging ng marijuana, upang maibsan ang nararanasan niyang kirot dulot ng ulcer.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Hindi naman ganun kadalas ang paggamit ko, sir. Ano lang, para magamot ko lang ‘yung ulcer ko. Parang ito,” pahayag ni Albalate.

Samantala, iginiit ni De Mesa na hindi siya isang drug addict at tanging si Albalte lang ang gumagamit ng shabu.

(Martin A. Sadongdong)