Isasagawa ang 28th Manila 10s International Rugby Festival, kinikilala bilang “best social rugby tournament in the world,” sa Marso 18-20 sa Nomad Sports Club sa Paranaque.

Sisimulan ang festival sa pagsasagawa ng isang pananghalian na magsasama-sama sa mga kalahok, stakeholder at opisyal ng Philippine Rugby Football Union (PRFU) sa Manila Marriott Hotel, sa Newport City sa Pasay.

Isasagawa naman ang tournament proper sa Sabado at Linggo sa Nomad Sports Club na kinukonsidera na “home of rugby in the Philippines,” at magdiriwang ng ika-35 taong anibersaryo.

Sinabi ni PRFU president Rick Santos na kabuuang 36 na koponan, kabilang ang dalawang youth team, ang sasabak sa torneo kung saan inaasahan ng mga namumuno na aabot sa 5,000 ang manonood.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang pinakahihintay na rugby festival ay suportado ng Manila Nomad Sports Club sa tulong ng PRFU at ANZCHAM Philippines.

“This will be a showcase of the youth teams and the division teams. We will see some of the best players from New Zealand and some French and American international players,” sabi ni Santos.

Sasabak para sa Pilipinas ang mga manlalaro na sina Kenneth Stern, Alex Aronson, at Lito Ramirez na isa sa mga inaabangan na manlalaro matapos na tanging homegrown na makasama sa komposisyon ng Philippine Volcanoes bilang produkto ng PRFU grassroots program.

Nagsimula itong maglaro ng rugby sa edad 13 at ipinakilala sa sport sa pamamagitan ng Tulay Foundation, na isang tahanan na nagbibigay daan sa mahihirap at walang matirhan na kabataan at mabigyan ng tamang edukasyon at sports training.

“This type of world-class rugby players that have come out of the PRFU training program, even at the grassroots level, is a testimony to the success of the PRFU and the growing popularity of the sport nationwide,” sabi ni Santos.

(ANGIE OREDO)