Pasabog ng LGBT vs Pacman, walang epekto sa takilya.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang atake at pasabog laban kay boxing icon Manny Pacquiao bunsod ng kontrobersyal niyang pahayag na kumurot sa damdamin ng LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender) community, siguradong hindi lalangawin ang venue ng pagdarausan ng welterweight title fight ng People’s Champion kontra Timothy Bradley sa Abril 9 (Abril 10 sa Manila).
Ayon kay fight promoter Bob Arum ng Top Rank Promotion, 80 porsiyento ng fight tickets ang nabenta na sa takilya, halos apat na linggo pa bago ganapin ang 12-round welterweight bout na sinasabing ‘farewell fight’ ng eight-division world champion.
Sa katapusan ng taon mapapaso ang kontrata ni Pacman sa Top Rank, ngunit ang kawalan ng pag-asa para sa rematch kay Floyd Mayweather, Jr. at pagkandidato niya sa Senado sa Mayo 9 ang malaking dahilan para tuluyan nang isabit ng kampeon ang kanyang gloves.
Samantala, inamin ni Arum na hindi pa niya matiyak kung tatabo nang husto ang laban pagdating sa pay-per-view buys.
Ikinabahala noon ni Arum ang posibilidad na humina ang benta ng tiket ng laban matapos masangkot si Pacquiao sa kontrobersiya na may kinalaman sa same-sex marriage.
“We still don’t know but if it’s an indication, 12,000 tickets have been sold and the seating capacity is 15,000. So that itself may be a good sign,” pahayag ni Arum sa telephone interview.
Sinimulan ang pagbenta ng tiket nitong Enero 22 na ang pinakamurang tiket ay nagkakahalaga ng $154 habang $1,200 ang deklaradong pinakamahal na tiket.
Ipinaalala naman ni Arum kay Pacquiao ang solidong pagtutok nito sa boxing at huwag na munang ilagay sa isipan ang ibang sitwasyon na walang kinalaman sa darating na laban.
“He should focus on boxing and leave all other things to his people,” dagdag ni Arum.
Nitong Linggo (Lunes sa Manila) dumating si Pacquiao sa Los Angeles upang ituloy ang ikalawang bahagi ng kanyang training camp na sinimulan noong isang buwan sa General Santos City.
Ipinahayag ni Hall-of-Famer trainer Freddie Roach na sapat at nasa tamang proseso ang pagsasanay na Pacman at hindi ito apektado ng mga negatibong reaksyon ng ilang grupo hinggil sa kanyang naging pananaw sa isyu ng LGBT.
(DENNIS PRINCIPE)