MAHALAGA at natatanging araw ang ika-4 ng Marso para kay Antipolo City Mayor Jun Ynares lll dahil ito ang kanyang kaarawan. Siya ay 43. At pagsapit ng kanyang kaarawan, bahagi lagi ng pagdiriwang ang pasasalamat sa Poong Maykapal at kasabay nito ang inagurasyon ng bagong ospital at dalawang paaralan na bahagi ng programa ng alkalde. Ang ospital ay pinangalanang Antipolo City Hospital System III (ACHS lll).
At ang dalawang bagong paaralan ay ang Antipolo Institute of Technology (AITECH) at Antipolo Scince High School na matatagpuan sa Sitio Cabading, Barangay Inarawan at Barangay San Jose, ayon sa pagkakasunod. Ilan lamang ito sa mga pangako ni Mayor Ynares noong panahon ng kanyang pangangampanya noong 2013. Ang pangako ay naging lantay na katotohanan. Ang inagurasyon ay dinaluhan nina Rizal Governor Nini Ynares at ng iba pang opisyal ng pamahalaang panlalawigan at ng lungsod ng Antipolo.
Ang ACHS III ang pangatlong ospital sa Antipolo at ang nasabing pagamutan ay ang ikalawa sa pinasinayaan sa loob ng tatlong buwan. Nauna rito ang ACHS II na nasa Barangay Dalig. Ito ang dating Regalado Hospital na nasa Barangay Dela Paz. Sa inagurasyon ng bagong ospital, ipinahayag ni Mayor Ynares na ang mga naninirahan sa upper Antipolo ay hindi na kailangang magbiyahe, bumaba at magtungo sa kalunsuran (city proper) para sa kanilang medikal na pangangailangan sapagkat ang ospital ay madali na nilang mararating.
Ang Antipolo Institute of Technology (AITECH) na nasa compound din ng ACHS III, ang unang educational instititution sa Asia na may kursong Bachelor in Construction Management Engineering and Technology (BCMET). Layunin nito na makapagpatapos ng mahuhusay na construction engineer. Aabot sa P48 milyon ang inilaan ng city government sa mga scholar ng AITECH sa loob ng apat na taon. Bukod pa ang miscellaneous fee, mga uniporme, mga aklat at transportasyon. May itinakda ring lugar na doon susunduin at ihahatid ng school service ang mga scholar ng nasabing paaralan. Malaki ang paniniwala ni Antipolo City Mayor Jun Ynares na ang edukasyon ang magiging susi sa kaunlaran at mag-aangat sa kahirapan. At para naman sa mga magulang ng mga scholar sa AITECH at Antipolo Science High School, ang edukasyon ay isang magandang pamana sa kanilang mga anak. (CLEMEN BAUTISTA)