Hinamon kahapon ng isang mahistrado ng Korte Suprema ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng tsismis hinggil sa umano’y P50-milyon suhol na inialok sa kanilang hanay bilang kapalit ng pagbasura sa disqualification case laban kay Senator Grace Poe.

Kapwa itinanggi nina Supreme Court (SC) Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Associate Justice Teresita Leonardo de Castro na may nangyaring suhulan sa SC, base sa iniulat ng isang pahayagan.

“In other words, some would like to raise them as issues, pero we know when an issue is before us. Some matters are best disregarded or ignored. Some matters are just speculations,” pahayag ni Sereno sa kanyang pagdalo sa 21st Annual Convention of the Philippine Women Judges Association (PWJA).

“I think you are industry players, you know that noise itself produces activity in your sphere, and it is our duty now to identify which kind of noise to respond to and which to set aside,” dagdag ng Punong Mahistrado.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ikinalungkot naman ni De Castro ang naturang tsismis dahil nakaaapekto umano ito sa integridad ng Korte Suprema, bagamat wala namang katibayan.

“Grabe naman ‘yun. We feel so bad about it,” ayon kay De Castro.

Kumalat ang umano’y suhulan sa hanay ng SC justices matapos nitong ilabas ang desisyon na pumapabor sa petisyon ni Poe upang baliktarin ng Kataas-taasang Hukuman ang pagdiskuwalipika sa senadora ng Commission on Elections (Comelec) bilang kandidato sa pagkapangulo, base sa isyu ng residency at citizenship.

Siyam na mahistrado ang bumoto pabor kay Poe habang anim ang nais madiskuwalipika ang mambabatas sa pagkandidatong presidente sa Mayo 9. (Leonard D. Postrado)