Ni BELLA GAMOTEA
Pinalilikas na ng gobyerno ng Iraq ang mga residente, kabilang ang mga Pilipino, sa Baghdad partikular ang malapit sa Tigris River dahil sa pinangangambahang pagguho ng Mosul Dam na posibleng magdulot ng malawakang baha.
Nananawagan ang Embahada ng Pilipinas sa Iraq sa mga Pilipino sa Baghdad na sundin ang abiso ng Iraqi government na lumikas na para sa kanilang kaligtasan.
Mahigit isang milyong indibiduwal, kabilang ang mga Pinoy, sa Baghdad ang posibleng maapektuhan ng flash flood sakaling masira ang Mosul Dam, ang pang-apat sa pinakamalaking dam sa Middle East na naitayo noong 1984 at may kapasidad para sa 11.1 cubic kilometers na tubig.
Ayon kay Charge d’Affaires Elmer Cato, aabot sa 300 Pilipino ang maaapektuhan at dapat na ilikas agad sa mataas na lugar bunsod ng pinangangambahang hanggang 18-talampakang taas ng baha na raragasa sa Baghdad.
Gumagawa na ng hakbangin ang Iraqi government upang kumpunihin ang nasabing dam, subalit walang garantiya na mapipigilan nito ang pagtaas ng tubig dahil napipintong matunaw na ang mga yelo sa mga kalapit na bayan.
Pinayuhan ng Embahada ng Pilipinas ang mga Pilipino sa Baghdad na agad makipag-ugnayan sa kinauukulan para sa kanilang kaligtasan kasunod ng inilatag na contingency plan ng ahensiya.
Ang mga Pinoy sa Baghdad ay maaaring magrehistro sa www.philembassybaghdad.wordpress.com; o tumawag sa Embassy hotlines na (+964) 7500104728, (+964) 7506561740, (+964) 7828811037; o mag-email sa [email protected].
Nilinaw ni Cato na ang pagpaparehistro ng mga Pilipino ay para matukoy ng embahada ang kanilang kinaroroonan upang madali silang matunton sakaling may emergency situations, tulad ng pagguho ng Mosul Dam para mailikas sila sa ligtas na lugar.
Gayunman, pinoproblema ni Cato ang mga Pinoy sa Baghdad na hindi dokumentado at posibleng hindi makipag-ugnayan ang mga ito sa embahada sa takot na puwersahin ang mga itong pauwiin sa Pilipinas.