Ronald Oranza
Ronald Oranza

Ni Angie Oredo

BUTUAN CITY – Namayagpag sa ikalawang sunod na araw si Ronald Oranza ng Philippine Navy-Standard Insurance matapos angkinin ang Stage 2 criterium race ng 2016 Ronda Pilipinas Mindanao kahapon sa Butuan City Hall.

Kinumpleto ng 22-anyos mula sa Villais, Pangasinan ang karera sa tiyempong isang oras, 17 minuto at 59.32 segundo at iparamdam ang matinding hangarin na kunin ang kampeonato sa pinakamalaking bikathon sa bansa na may pinakamalaking papremyo para sa mga lokal riders.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bumuntot sa kanya ang kasanggang si Janpol Morales, nakabawi sa kabila nang tinamong sugat sa katawan bunga nang pagkasemplang ng bisikleta sa isang lubak, para sa tiyempong 1:17:59.47, habang pangatlo si Daniel Ven Carino (1:17:59.84).

Dahil sa nakamit na panalo sa Sprint Race sa unang stage, napanatili ni Morales ang pagkapit sa simbolikong Red Jersey para sa overall leadership tangan ang kabuuang 29 na puntos (5:22:14.66) habang nasa ikalawa si Lloyd Lucien Reynante, nagwagi sa King of the Mountain, na may 23 puntos (5:27:25.60.) Nasa ikatlo si Oranza na may 20 puntos sa kabuuang oras na (5:22:14.33).

Napanatili naman ni John Mark Camingao ng Panabo, Davao Del Sur at PN-Standard Insurance team captain ang overall MVP race para sa local rider classification (Blue Jersey) sa natipong 10 puntos. Kasunod si James Paolo Ferfas ng Team LCC Lutayan na may 5 puntos. Ikatlo si Jun Isla ng Team LCC Lutayan.

Ang King of the Mountain ay napanatili ni Reynante sa natipong 10 puntos. Ikalawa si Morales na may walong puntos at ikatlo si Rudy Roque na may anim na puntos.

Ang overall sprint classification (ASG Green Jersey ) ay isinuot muli ni Morales mula sa natipong tatlong puntos. Ikalawa si Reynante na may dalawang puntos at ikatlo si Eljoshua Carino na may isang puntos.

Nagwagi sa Executive Master B si Philip Sainz ng Mossimo Roadbike Phils sa oras na 47:52.84, kasunod ang magkakampi sa Opus Land Cycling na sina Christopher Eyao (48:06.71) at Reynaldo Alqueza (49:19.58).

Ang Ronda Pilipinas ay inoorganisa ng LBC at LBC Express at sanctioned ng PhilCycling sa pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX.

Magtutungo ngayon ang buong entourage sa Cagayan de Oro mula Butuan para sa Stage Three na isa pang criterium.

Ang Ronda ay dadayo sa Dahilayan, Manolo Fortich para sa individual time trial Stage 4 sa Huwebes bago kumpletuhin ang Stage Five criterium sa kalapit na Malaybalay, Bukidnon.