Sinimulan na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng mga official ballot para sa halalan sa Mayo 9.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, 57 milyong balota ang kailangang iimprenta ng National Printing Office (NPO).
Inaasahan na kasama pa rin ang pangalan ni yumaong OFW Family Club Party list Representative Roy Señeres sa balota, dahil hanggang ngayon ay wala pang pinal na pasya ang partido at pamilya ni Señeres sa isyu ng substitution niya.
Tatlong beses nang naudlot ang pag-iimprenta ng balota dahil sa hindi pa pinal ang listahan ng mga kandidato.
Unang itinakda ang ballot printing noong Enero 26, ngunit inilipat ito sa Pebrero 1, at muli noong Pebrero 8, na nauwi sa dry run, at nitong Lunes lamang natuloy. (Mary Ann Santiago)