SA kampanya kamakailan nina VP Binay at Sen. Grace Poe sa magkahiwalay na lugar, sila ay nagpatutsadahan. Kailangan daw, ayon kay Binay, kung maghahalal ang taumbayan, piliin ang may karanasan na. Sa akalang siya ang pinatamaan, sinabi naman ng senadora na wala siyang karanasan sa pagnanakaw. Ganito na kasi ang lumabas na imahe ni VP Binay pagkatapos ang mahabang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee. Hindi ko alam kung siya rin ang pinatatamaan ng mga nakakalat na paskil na nagsasabing “Huwag kang magnakaw”

Bago nagsagawa ng imbestigasyon ang senado ukol sa umano’y katiwalian ni VP Binay, kumagat ang kanyang campaign gimmick na “Ganito kami sa Makati.” Ito ay nakakumbinse sa mga mamamayan na ihalal siya dahil sa maganda nga naman ang ginawa niya sa Makati nang siya’y maging alkalde nito. Naging maunlad ang Makati. Maraming benepisyong ipinagkaloob ang gobyerno ng lungsod sa mamamayan sa ilalim ng kanyang pamamahala.

Ang problema, inusisa ng Senate Blue Ribbon Committee ang kabilang panig ng “Ganito kami sa Makati.” Ang Makati Science Building na ginawa raw niya para makapag-aral nang lubusan ang mga kabataan, ay overpriced umano. Overpriced din umano ang ipinagawa niyang marangyang Makati City Hall at Makati Park Building.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Naungkat ang napakalaking kayamanan ni VP Binay na nagsimulang dukha, ayon sa kanyang political ads noon at ngayon. Nahayag ang “Hacienda Binay” sa Batangas na noon pa man, lalo na iyong mga taga-Batangas, ay alam na pag-aari niya ito. Ipinagkaila naman niya na sa kanya ito dahil, ayon sa DENR, ay wala naman anumang lupa sa lugar na ito na nasa kanyang pangalan.

Pero, sa Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) na dinaluhan ko kung saan nag-lecture ang commissioner ng HLURB, sinabi niya na puwedeng ebidensiya ukol sa kung sino ang may-ari ng lupa ang deklarasyon ng mga taong nakatira malapit sa nasabing lupa. Limpak-limpak na salapi ang nasa pangalan nina Gerry Limlingan at Ebeng Baloloy na, ayon kay dating Vice-Mayor Mercado at kaalyado ni VP Binay, ay kanyang bagman o dummy. Hanggang ngayon ay hindi pa makita sina Limlingan at Baloloy sa kabila nang mahigpit na paghahanap sa kanila ng Senado. (RIC VALMONTE)