TINATAYANG aabot sa 1.5 milyong Pilipino na nagtatrabaho sa Middle East ang pinangangambahang mawalan ng trabaho bunsod ng sunud-sunod na pagbulusok ng presyo ng petrolyo sa Saudi Arabia at iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan.
May mga ulat na magbabawas ng empleyado ang mga kumpanya ng langis sa Gitnang Silangan, at dito ay kabilang ang libu-libo o milyun-milyong overseas Filipino workers (OFWs) na nagsisipagtrabaho sa oil companies.
Ang 1.5 milyong Pinoy ay nasa kategorya ng tinatawag na “temporary workers” na 75 porsiyento ng 2 milyong OFWs sa naturang lugar. Sila ang unang maaapektuhan ng pagbaba ng halaga ng langis kapag ipinatupad na ng industriya ng langis sa rehiyon ang pagbabawas ng mga manggagawa, ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz. Nag-utos na si President Aquino sa mga pinuno ng paggawa na maghanda ng mga plano at hakbangin upang mapalambot ang matinding epekto ng sunud-sunod na pagbagsak ng presyo ng mga produktong petrolyo.
****
Alam ba ninyong si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ngayon ang itinalagang chairman ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban). Mananatili namang pangulo ng partido si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III.
Nangako si Duterte na sisikapin niyang maibalik ang kaayusan at katahimikan sa Pilipinas kapag siya ang nahalal na pangulo sa May 9, 2016. Isusulong din umano niya ang pederalismo sa buong bansa upang ang bawat rehiyon ang mangasiwa sa kanilang affairs. Hindi na kailangan pa ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Tahasang sinabi ni Mayor Digong na siya at si Sen. Alan Peter Cayetano ay handang magbitiw kung sa loob ng anim na buwan ay hindi nila nasugpo ang kriminalidad at naitumba ang mga drug lord, smuggler, at rapist-murderer. Eh, papaano ang mga bulok at corrupt na pulitiko?
Samantala, binira ng Malacañang ang machong alkalde dahil sa pahayag na palalayain agad si ex-President Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) kapag siya ang nanalong presidente. Ayon sa Malacañang, hindi basta-basta maiuutos ni Duterte ang pagpapalaya kay GMA na ngayon ay under hospital arrest sa Veterans’ Medical Memorial Center (VMMC). Kailangang sumunod umano ang alkalde ng Davao City sa proseso ng batas. (Bert de Guzman)