Ni Angie Oredo

Hangad ng Pilipinas na magamit ang bentahe sa home court sa pakikipagharap sa Kuwait sa Asia Oceania Zone Group II tie sa Marso 4-6 sa Valle Verde Country Club sa Pasig City.

Itinakda ang salpukan ng Pilipinas kontra Kuwait sa unang labanan ng kada taong torneo at inihayag mismo ang buong schedule ng mga laro sa kanilang website.

Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na gaganapin ang torneo sa Valle Verde para sa pagsasagawa ng prestihiyosong torneo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matatandaang nagawa ng mga miyembro ng PH Davis Cup team na biguin ang Kuwait, 5-0, sa opening round tie sa pangunguna ng regular na naglalaro sa Grand Slam na si Treat Huey.

Gayunman, sinundan ito ng kabiguan ng Pinoy netter kontra Chinese Taipei, 1-3, sa ikalawang round na isinagawa sa Taiwan upang tapusin ang hangarin ng bansa na mabalik sa Group I.

Halos katulad pa rin ang mga kalahok sa Group II maliban sa Thailand na nakaakyat na sa Group I. Ang naiwang mga bansa ay ang Malaysia, Vietnam, Indonesia at Sri Lanka.

Hindi pa naman inihahayag ng Philta ang kanilang komposisyon para sa pagsagupa sa Kuwait bagamat inaasahan na mananatili sina Huey at Ruben Gonzales na regular at seeded na sa koponan.

Muling nagbalik ang Pilipinas sa Group II matapos mabigo noong 2012. Kailangan ng koponan na magwagi sa tatlong nakatakdang ties upang makabalik sa Group 1.