Laro ngayon
(MOA Arena)
7 n,g.San Miguel Beer vs. Alaska
SMB, asam na maiukit ang kasaysayan sa ‘dor-or-die’ Game 7 vs Alaska.
WALA ng hangin ang mga lobong isinabit sa atip ng Alaska Aces. At sa pagkakataong ito, maging ang kumpiyansa ay tiyak na hindi na rin sapat para sa krusyal na pakikipagtagpo sa San Miguel Beermen.
Para sa bagong pahina sa aklat ng kasaysayan ng liga, kapalaran na lamang ang magpapasya sa pagitan ng defending champion San Miguel Beer at Alaska.
Muling maghaharap – sa pagkakataong ito, taya na ang lahat pati pamato’t panabla – ang Beermen at Aces para sa hangganan at karapatan na maiuwi ang PBA Philippine Cup ngayong gabi sa Mall of Asia Arena.
Tangan ng Beermen ang bentahe at momentum bunga nang kahanga-hangang pag-ahon mula sa bingit ng kasawian nang pagwagihan ang huling tatlong laro para maitabla ang best-of-seven championship series sa 3-3 at maipuwersa ang makasaysayang Game 7.
Sa kabila nang malakas na bagyo dulot nang pagbalikwas ng Beermen, iginiit ni coach Leo Austria na nasa kamay na ng tadhana ang sitwasyon.
“Tulad namin, pursigido rin ang kalaban natin. Yung urge na manalo, hindi puwedeng mawala yan. Sa huli, ‘mental tougness’ ang magiging distansiya ng bawat isa. Hopefully, mas maging gutom kami,” pahayag ni Austria.
Sa 41-taon ng liga, wala pang koponan ang nakabangon mula sa 0-3 ng best-of-seven championship at maging kampeon.
Namuntikan ng tropa ni basketball legend Robert Jaworski na Gordon’s Gin ang kasaysayan noong 1997 nang maidikit ang serye sa 2-3.
Sa sitwasyon ngayon, mataas ang intensidad dahil wala nang bukas na naghihintay para sa magkaribal.
Mas kumpiyansa ang Beermen, higit at lalong naging malakas ang frontline ng defending champion sa pagbabalik ni Junemar Fajardo mula sa maiksing pahinga ng na-injured na tuhod.
“It can go either way,” pahayag ni SMB shooter at Gilas candidate Mario Lassiter. “But we need to come out aggressive’y as we’ve been doing, and stick to the game plan,” aniya.
Hindi naman ganoon kadali, isusuko lahat ng Alaska ang titulo at mismong si Aces star Calvin Abueva ay nangako na mas titibayan ang puso sa laban.
“Talagang lumakas lalo ang loob ko sa ibinigay na awards sa akin,” sambit ni Abueva, patungkol sa natanggap na Spin.Ph Sportsman of the Year. (MARIVIC AWITAN)