Ni BELLA GAMOTEA
Nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magtayo ng roadside court sa limang estratehikong lugar sa Metro Manila upang maresolba ang traffic- at accident-related incidents, kabilang na ang mga reklamo tungkol sa pangongotong ng mga tiwaling traffic enforcer ng ahensiya, gayundin ang panunuhol ng ilang motorista.
Kabilang sa ikinokonsiderang tayuan ng roadside court ang EDSA, Circumferential Road-5, Quirino Avenue, Commonwealth Avenue, at Roxas Boulevard, na madalas pangyarihan ng aksidente at ng mga reklamo laban sa mga “kotong” traffic enforcer.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, ikukonsulta niya ang nasabing panukala sa 17 alkalde ng Metro Manila sa susunod na pulong ng Metro Manila Council, bago ito ilatag sa Technical Working Group, na pinamumunuan ni Secretary Jose Almendras.
Sakaling ipatupad ang proyekto, bubuksan ang roadside court hanggang hatinggabi, at may itatalagang clerk at hearing officer para tumanggap ng mga reklamo at magdesisyon batay sa mga iprinisintang ebidensiya sa mismong araw na inihain ang reklamo.
Maaari namang umapela sa naging pasya ng korte sa susunod na 15 araw matapos ibaba ang desisyon.