Patay ang isang tatlong taong gulang na lalaki matapos aksidenteng mabaril ng kanyang limang taong gulang na kapatid sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Longilog, Titay, Zamboanga Sibugay nitong Martes ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon ng tanggapan ni Chief Insp. Rogelio Alabata, ng Titay Municipal Police Station (TMPS), naganap ang insidente dakong 8:00 ng umaga habang naglalaro ang magkapatid na “Mark” at “Stephen.”

Pumasok ang dalawang bata sa silid ng kanilang lolo na si Ronilo Montiel, na noo’y natutulog pa.

Nabatid na pilit na kinuha ni “Stephen” ang kalibre .45 na baril na nakalagay sa taas ng cabinet at iniabot ito sa nakatatandang kapatid. Subalit, nahawakan ni “Mark” ang gatilyo ng baril kaya pumutok ito at tumama sa nakababatang kapatid.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nagising sa pagkakatulog si Ronilo at nakitang nakahandusay sa sahig si “Stephen.” Kaagad nilang itinakbo ang bata sa Sibud County Hospital, subalit namatay makalipas ang ilang sandali.

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (SWD) si “Mark” habang inaresto ng pulisya si Ronilo, at posibleng kasuhan dahil sa pagkamatay ng kanyang apo. (Fer Taboy)