SCIENCE CITY OF MUNOZ, Nueva Ecija - Limang hinihinalang carnapper ang nasawi makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa isang checkpoint malapit sa lungsod na ito, noong Linggo ng madaling-araw.
Sa ulat na ipinarating ni Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Munoz Police, kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Manuel Estareja Cornel, nakilala ang dalawa sa limang napatay sa engkuwentro na sina Alfredo Parira, Jr., 35, ng Navotas City; at isang Harvey, 35, ng Tondo, Maynila.
Dakong 3:00 ng umaga nang magkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga pulis at mga tauhan ng Regional Public Safety Company, na nangangasiwa sa checkpoint ng Commission on Elections (Comelec) sa Barangay Sapang Cauayan.
Ayon kay Zafra, pinara ng mga pulis ang sinasakyang tricycle ng mga suspek ngunit hindi ito huminto para sa isang routine inspection at sa halip na tumigil ay pinaputukan pa ang mga pulis na napilitang gumanti hanggang sa humantong sa engkuwentro.
Sinabi ni PO3 Gabriel Santiago na bago pa nangyari ang engkuwentro ay nangarnap muna ang grupo ng isang sasakyan sa Bgy. Bacal 3 malapit sa Talavera.
Nabawi ng pulisya ang limang .38 caliber revolver sa crime scene at isang kinarnap na tricycle. (Light A. Nolasco)