INABANGAN namin ang unang pilot episode ng Pilipinas Got Talent Season 5 na ginanap sa Kia Theater, Araneta Center dahil gusto naming makita at marinig ang mga reaksiyon ng mga bagong huradong sina Vice Ganda, Angel Locsin at Robin Padilla plus Mr. Freddie M. Garcia.
Totoo nga ang sinabi ni Vice sa huling tsikahan niya with the entertainment press noong thanksgiving presscon niya para sa Beauty and The Bestie na, “Pramis, maganda ang PGT5, magugulat kayo kay Angel, istrikta siya.”
Nang i-announce ng Dos na kasama si Angel sa mga hurado, napaisip kami kung ano ang sasabihin niya dahil kilala naming mahiyain siya o hindi mahilig mag-comment tungkol sa ibang tao.
Naging host na si Robin ng Talentadong Pinoy sa TV5, at kahit hindi siya hurado ay nagbibigay siya ng kanyang kuru-kuro.
Kilalang-kilala naman ng lahat na walang preno kapag nagsalita si Vice at walang care kung masasaktan ang contestant as long as nasabi niya ang totoo sa loob na gusto niyang sabihin.
Ganoon din si FMG, bagamat sinasabi niya ang hindi niya gusto in a subtle way.
Totoo ngang istrikta si Angel at siya pa ang unang pumipindot ng buzzer kapag hindi na niya matagalan ang ginagawa ng contestant, at saka lang siya susundan nina FMG at Robin. Kaya si Vice pa ang nagiging lenient dahil siya ang ayaw pumindot dahil nag-e-enjoy daw siya sa ginagawa ng contestants.
Nakakatawa ang magikerong taga-Pasig City na si Geffrey delos Reyes kahit seryoso nang sabihing, “Ang gagawin ko po ay magic na walang daya, konti lang”.
Kung tutuusin, napakasimple ng magic ni Geffrey na puwedeng sabihing pangkanto lang pero napahanga niya ang apat na hurado. Imagine, apat na yes ang nakamit niya.
Nagulat din kami nu’ng iabot niya kay Angel ang pulang bolang malambot na biglang dumami na ikinagulat din ng aktres at ni Robin.
“Hindi ko alam kung pinagtri-trip-an mo lang kami talaga pero ang galing mo,” nasabi tuloy ng dalaga.
Si Vice ang huling pinag-trip-an ni Geffrey nang pahawakan ang itlog o bola na medyo maligasgas na nasa loob ng itim na pouch, at hinawakan din pati ng ibang hurado.
Inilagay ang nasabing bola o itlog sa isang canister at saka pinabuksan kay Vice na nagsabi pa nga ng, “Ang tamad mo, ‘no? May taga-bukas ka pa.”
Muntikan nang mapatalon sa kinauupuan si Vice nang magulat pagbukas dahil may tumalsik na malambot na bagay kaya nagtawanan ang lahat ng tao sa Kia Theater.
Naisahan si Vice na parang saglit na nawalan ng poise pero humanga siya sa talento ng taga-Pasig.
Mahuhusay din ang ibang contestant sa unang episode pero kay Geffrey kami talaga naaliw at sa lolang nag-rap na tinanggal pa ang pustiso kaya hindi namin masyadong naintindihan ang sinasabi.
Samantala, na Davao City ngayon nagpapa-audition ang PGT5 team na huminto lang nu’ng umere na ang unang episode at nagkasyang panoorin sa maliit na screen.
Abut-abot ang pasalamat ng buong team sa pawang positibong feedback. In fairness, nakakaaliw talaga ang show. May bago na namang TV date ang lahat ‘pag weekend pagkalipas ng dalawang taong pagkawala ng PGT. —Reggee Bonoan