Patay ang isang lalaki habang malubhang nasugatan ang isang babaeng pasahero matapos silang salpukin ng isang sasakyan pagkatapos niyang bumaba sa isang jeep sa gitna ng kalsada sa Parañaque City, kahapon ng umaga.

Sa pamamagitan ng ID card na nakuha sa bulsa ng kanyang pantalon, nakilala ang nasawi na si Archie Gatacilo, residente ng Imus, Cavite. Dead on the spot siya sa tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Sugatan namang isinugod ng Parañaque Rescue Team sa Parañaque Medical Center si Maria Palma, empleyado ng Arellano University at residente ng Bacoor, Cavite, dahil sa mga sugat sa katawan.

Sa ulat ng Parañaque City Traffic Department, dakong 6:00 ng umaga nang masagasaan ang dalawang biktima sa westbound lane ng Roxas Boulevard, sa tapat ng City of Dreams sa Barangay Tambo.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Sa pahayag ng mga saksi, magkasunod na bumaba sa jeep sina Gatacilo at Palma sa gitna ng kalsada sa naturang lugar nang mahagip sila ng isang pick-up na mabilis na tumakas.

Umaapela ang pulisya sa driver ng sasakyan na nakabundol sa dalawang biktima na agad sumuko at panagutan ang insidente.

Tinutukoy na rin ng pulisya ang driver ng jeep na sinakyan ng dalawang biktima na posibleng maharap din sa asunto dahil sa umano’y wala ito sa tamang lugar nang ibaba ang mga pasahero, na humantong sa trahedya. (Bella Gamotea)