Isang malaking hakbang ang nakatakdang gawin ng dating NCAA champion Philippine Christian University bilang paghahanda sa kanilang hinihintay na pagbabalik sa collegiate basketball scene.

Gagabayan ni coach Elvis Tolentino, katulong ang kanyang amang si Loreto “Ato” Tolentino,nakatakdang sumabak ang PCU sa 2016 MBL Open basketball championship na magsisimula sa katapusan ng buwan sa Rizal Memorial Coliseum.

Tatangkain ng multi-titled father and son tandem na maibalik ang tinatawag na ‘ glory days’ ng Dolphins,na nakapagtala ng kanilang una at natatanging kampeonato sa National Collegiate Athletic Association noong 2004.

Kasalukuyang nag-aaply muli para makabalik sa NCAA ang PCU sa pagsuporta na rin ng buong PCU Community na pinamumunuan ng kanilang president na si Junifen Gauuan at athletic director Putli Ijranm sa pagtataguyod ng Naughty Needlez At ng Lilac Experience Resto Lounge.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kabilang sa mga inaasahang mangunguna sa kampanya ng Dolphins ay sina dating Letran Knight Jon Von Tambeling, Mike Ayonayon, Yves Sazon, Fidel Castro, Brett Pallatao, Julius Leron, Dexter Mescallaelo, Reyl Charl Vasquez, Maoi Marcelino, Andro Catipay, Vonn Tapiz, , Jerico Santos at Alec Abrigo.

“We have a young but talented team ready to compete against the more-experienced commercial and club teams in the country,” ani Tolentino, isa sa mga miyembro ng College of St. Benilde na nagkampeon noong 2000 sa NCAA.

“We will always play the game the best way we can ,” dagdag pa ni Tolentino na dumalo sa IMPACT coaching clinic sa Las Vegas sa ilalim ni coach Joe Abunasar bilang paghahanda sa kanyang pagsabak sa pagiging isang full-time coach.

Suportado din ani Tolentino ng mga dating PCU players na naglalaro na ngayon sa PBA na sina Jayson Castro ng Talk and Text, Gabby Espinas ng San Miguel Beer at Beau Belga ng Rain or Shine ang kanilang kampanya sa MBL.

Ang tatlong nabanggit na mga manlalaro ang siyang nanguna noon sa Dolphins nang magwagi sila ng kampeonato sa NCAA kasama nina Ramon Retaga, Robert Sanz, Liztian Amparado at Ian Garrido.

Samantala, ang iba pang mga koponang kalahok sa torneo ay ang defending champion Gerry’s Grill-Diliman College ni Jerome Ngo at coach Rensy Bajar; Macway Travel Club ng businessman-sportsman na si Erick Kirong at maybahay na si Cathy Kirong at coach Braulio Lim; Wang’s Ballclub mi MBL chairman Alex Wang; New San Jose Builders ng sports patron na si Jomar Acuzar at coach Jinino Manansala; at ang Ironcon Builders-UST ni Jimi Lim at coach Bong de la Cruz.

Inimbitahan din para sumali ang Franzie Cologne, Arellano University, Lyceum of the Philippines, EARIST, Rizal Technological University , St. Clare College-Caloocan, AMA University at De Ocampo Memorial Colleges.

Para sa mga detalye, maaaring makipag-ugnayan kay Albert Andaya sa 0917-7688638.