TAPOS na ang 1-child policy sa China. Ibig sabihin, kung noon, ang mag-asawang Chinese ay pinapayagan lamang na magkaroon ng isang anak, ngayon ay niluwagan na. Ginawa na itong 2-child policy. Ang mag-asawang Chinese ay puwede nang magkaroon ng dalawang anak nang hindi sila mananagot sa gobyerno. Pero hanggang dalawa lamang.

Ang one-child policy, na sinimulan noong huling bahagi ng 1970’s para sa mga mag-asawang Chinese, ay ang pagpapatupad na isa lamang ang maaring maging anak ng bawat mag-asawang Chinese. Pinarurusahan ang sinumang susuway nito sa pamamagitan ng multa o kaya ay sapilitang aborsiyon.

Sa nagdaang taon, pinaniniwalaan ng mga awtoridad doon na ito ang naging dahilan nang mabilis na pag-unlad ng kanilang kabuhayan dahil nakaiwas ang kanilang bansa sa pagkakaroon ng 400 milyong bagong silang na sanggol. Ang mga pamilyang naninirahan sa mga rural area ay pinahihintulutang magkaroon ng hanggang dalawang anak.

Sa ngayon, ang populasyon ng China, na itinuturing na may pinakamalaking populasyon, ay nasa 1.37 bilyon. Ngunit, karamihan sa mga ito ay may mga edad na at nagkakaroon ng tinatawag na gender imbalances, at ang work force ng bansang ito ay konti na lamang. Dahil dito ay nagpatupad sila ng bagong batas, ang two child policy, ngunit naroon pa rin ang limitasyon sa dagdag na panganganak. Ang ibig sabihin ay talagang hanggang dalawa lamang.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sensitibo ang China sa magiging kalagayan ng kanilang pangkabuhayan kaya nililimitahan nila pati ang kanilang populasyon. Ibang-iba dito sa ating bansa. Sa atin, dahil sa aral ng Simbahan na “humayo kayo at magpakarami”, sobra na ang dami ng mga Pinoy ay patuloy pang dumarami. Kaya hindi nakapagtataka kung maging ganito kagipit ang ating bansa. Kulang ang mga tirahan sa laki ng ating populasyon. Patunay nito ang pagdami ng mga iskuwater, taong-lansangan at ang pagtira sa mga gilid ng gusali at ilalim ng tulay.

Patuloy din ang paglaganap ng kagutuman at kawalan ng panggastos para sa pangkalusugan, edukasyon at hanapbuhay.

Ayaw nating magpapigil ng kahit na bahagya upang mapigilan ang pagdami ng ating populasyon. Dito sa atin, hindi ipinagbabawal ang panggigigil ng mga mag-asawa. Sige lang kung magsipanganak kayo taun-taon o kung magbilang man kayo ng tambak na anak.

Basta bahala kayo sa buhay ninyo! (ROD SALANDANAN)