TACURONG CITY, Sultan Kudarat - Patay ang isa sa dalawang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo matapos silang makipagsagupaan sa mga operatiba ng pulisya, noong Linggo ng gabi, sa Purok Silaw, Barangay Katungal, ng nasabing lungsod.

Ayon sa report, nagresponde ang pulisya sa reklamo ni Peddie Lucas y Tabelin, na nagsabing tinangay ng dalawang suspek ang kanyang pulang Honda CB 125 motorcycle (MA-61589), pasado 8:00 ng gabi sa Bgy. Barangay Katungal.

Mabilis na kumilos ang mga operatiba ng Tacurong City Police at inalerto rin ang mga checkpoint sa lungsod.

Nang makita umano ng dalawang hindi nakikilalang suspek ang grupo ng pulisya ay naghiwalay ng direksiyon ang motorsiklo ng mga ito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nang malapit nang abutan ang isa sa dalawa ay bigla umano nitong pinaputukan ang mga pulis, kaya gumanti ang mga ito at napatay ang isa sa mga salarin, habang nakatakas naman ang kasama nito.

Nakuha sa napatay na suspek ang isang .9mm na Uzi, gayundin ang anim na basyo ng bala, apat na bala ng 12-gauge shotgun, cell phone at iba pang mga gamit, bagamat walang nakuhang ID sa suspek.

Positibo namang itinuro ni Lucas ang napatay na isa sa dalawang tumutok sa kanya ng baril para tangayin ang kanyang motorsiklo, na hindi pa nababawi habang sinusulat ang balitang ito.

Dumulog din sa himpilan ng pulisya ang iba pang nanakawan din umano ng motorsiklo at positibong itinuro ng mga ito ang nasawing suspek na isa sa mga nambiktima sa kanila.

Inaalam naman ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO) kung sino ang nakarehistrong may-ari ng itim na SYM 125 motorcycle (8223-YG) na nabawi mula sa napatay na suspek. (Leo P. Diaz)