Naglagak sa Sandiganbayan ng halos P500,000 piyansa si dating Occidental Mindoro Governor Jose Villarosa matapos siyang arestuhin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kasong graft at technical malversation.
Sinabi ni Sandiganbayan Fourth Division Clerk of Court Joeffrey Zapata na naglagak ng P432,000 sa anti-graft court ang dating gobernador na dati ring kinasuhan sa pagpatay ng magkapatid na Quintos subalit kalaunan ay pinawalang-sala rin, kaya pansamantalang nakalaya sa pagkakapiit.
Ayon kay Zapata, binitbit si Villarosa sa Sandiganbayan ng mga tauhan ng NBI na umaresto rito sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Fourth Division kaugnay ng anim na bilang ng graft at anim na bilang ng technical malversation.
Sinabi ni NBI Special Investigator III Richard Sison, na naaresto si Villarosa dakong 4:00 ng hapon noong Miyerkules sa loob ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Kusang sumuko si Villarosa nang sunduin ng mga NBI agent at dinala sa MIMAROPA Regional Office sa Calapan, na roon siya isinailalim sa booking at kinunan ng larawan.
Kasama ni Villarosa na kinasuhan ang mga dating opisyal ng San Jose, Occidental Mindoro na sina Pablo Alvaro, municipal accountant; at Carlito Cajayon, treasurer.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y ilegal na paggamit ni Villarosa ng tobacco excise tax na nagkakahalaga ng P2,920,644.90 sa operasyon ng munisipyo ng San Jose, na roon ito naglingkod na alkalde. (Jeffrey G. Damicog)