ISANG programa lang sa telebisyon ang sumasagi sa isipan kapag narinig na ang mga katagang, “Hindi namin kayo tatantanan!” at ito ang Imbestigador na nagdiriwang ng ika-15 anibersaryo ngayong Sabado, Enero 9.

 

Kasama ng batikang mamamahayag at host na si Mike Enriquez, lalo pang pinaigting ng Imbestigador ang investigative reporting sa telebisyon sa pamamagitan ng pagbibigay-boses sa mga naaapi.

Subalit hindi lamang ito ang nagawa ng programa. Naging daan din ito upang magkaroon ng agarang aksiyon sa mga problemang patuloy na sumisira sa lipunan — mula sa anomalya at korapsyon hanggang sa iba’t ibang kahina-hinalang gawain at krimen. Pinauso rin ng Imbestigador ang pagpapalabas ng aktuwal na kuha ng maselang pagmamatyag sa mga kasong tinatalakay nito.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

 

Sa loob ng mahigit isang dekadang pag-ere sa telebisyon, hindi nabigo ang longest-running investigative program ng Kapuso Network sa mga misyon nito. Sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya at grupo, marami na ang nahuli at nakasuhan, kasama na ang ilang mga na bigtime na sindikato.

  

At sa ika-15 taon ng Imbestigador, pagtitibayin pang lalo ang serbisyong totoo na tumatak na sa mga manonood. Simula ngayong gabi, muling ibabalik ng programa ang maaksiyong paglalahad ng mga reklamo ng katiwalian at kung paano ito bibigyang-hustisya. Linggu-linggo, ibubulgar ng Sumbungan ng Bayan ang mga illegal at baluktot na gawain sa lipunan — isang bagay na tatak-Imbestigador.

 

Ngayong Sabado, January 9, masasaksihan ang buong kuwento sa likod ng ekslusibong pagtutok ng Imbestigador sa operasyon ng online pornography sa Cebu.

 

Ilulunsad din ng Imbestigador ang “Isyu ni Juan” —ang ten-part election special na tatalakay sa mga isyung kinakaharap ng mga Pilipino. Ilalahad ng “Isyu ni Juan” ang plataporma ng mga kandidato sa Panguluhan base sa mga natatanging isyu. Isang one-on-one interview sa mga kandidato kasama ang Imbestigador ng Bayan na si Mike Enriquez ang masasaksihan sa espesyal na pagtatanghal na ito. 

 

Tutukan ang Imbestigador ngayong Sabado, Enero 9, 5:15 PM pagkatapos ng CelebriTV sa GMA-7.