Kung merong inaasahang dagdag na firepower ang Rain or Shine (RoS) sa pagbabalik-aksiyon ng kanilang ace guard na si Paul Lee, meron din naman ang San Miguel Beer (SMB) sa katauhan ni Marcio Lassiter.

Makalipas ang personal na problemang kinasangkutan ni Lassiter na naging dahilan upang maging pabigat ito sa koponan sa kanilang mga huling laro noong nakaraang eliminasyon, bumalik na si Lassiter na ipinakita sa court ang paghahandang ginawa ng Beermen para sa Final Four kung saan nakamit nila ang isa sa unang outright semifinals berth.

Nakatulong ang maaga nilang pagpasok sa semis upang makabawi si Lassiter at makapagpakundisyong muli.

“Mahalaga siya sa amin kasi he compliments our big men because of his perimeter shooting,” ani Austria.”That’s why happy kami to see him back. ‘Yung rhythm na lang ang kailangan pa ng konting adjustment.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kahit ang kanilang key player at reigning two-time MVP na si Junemar Fajardo ay natuwa sa pagbabalik ng dating porma ni Lassiter.

“Malaking tulong siya sa koponan upang magawa naming idepensa ang hawak na korona,” ani Fajardo.

Bukod kay Lassiter, ilan pang mga player ng Beermen ang naka-recover na rin sa injury, gaya ni David Semerad na inaasahang makatutulong sa pagdepensa sa mga big men kontra Elasto Painters.

Aminado si Austria na magiging problema ng Beermen hindi lamang ang nagbabalik na si Paul Lee kundi maging ang mga bigs ng kalaban na sina Raymund Almazan, JR Quinahan at Beau Belga na kayang-kayang iwaksi sa gitna si Fajardo sa pamamagitan ng kakayahan ng mga itong pumukol ng tres o magbuslo sa labas.

Malaki rin ang respeto ni coach Leo Austria sa katunggaling si coach Yeng Guiao na aniya ay isa sa pinakamahusay na mentor ngayon sa liga.

“Ang galing ni coach Yeng sa adjustments. Halimbawa pag tinalo mo siya ngayon, next game, iba naman ang ipapakita ng kanilang team, ganun siya kahusay,” ani Austria. (MARIVIC AWITAN)