MAHALAGA at isang natatanging araw sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas ang ika-30 ng Disyembre sapagkat paggunita ito sa martyrdom ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Sa buong bansa, sabay-sabay na gugunitain at bibigyan ng pagpapahalaga ang kanyang kadakilaan. Sa pagkakaroon ng simple ngunit makabuluhang mga programa, sasariwain ang kagitingan at kabayanihan ng ating pambansang bayaning isinilang sa Calamba, Laguna, na ang katutubong talino at husay ay nakilala sa iba’t ibang panig ng mundo, gayundin ang maalab na pag-ibig sa kanyang Inang Bayan.
Sa Rizal, na ipinangalan sa pambansang bayani, bilang paggunita kay Dr. Jose Rizal ay may joint commemoration ang pamahalaang panglalawigan at ang pamahalaang lungsod ng Antipolo, na pangungunahan nina Gov. Nini Ynares, Vice Gov. Frisco Popoy San Juan, Jr, Antipolo City Mayor Jun Ynares III, at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Panlungsod.
Gagawin ang paggunita sa harap ng Rizal Provincial Capitol sa Antipolo, na sa tabi nito ay naroon ang bantayog ni Dr. Jose Rizal. Bahagi ng paggunita kay Dr. Jose Rizal ang pag-aalay ng mga bulaklak sa kanyang bantayog, na susundan ng isang simpleng programa. Magbibigay din ng mahahalagang mensahe sina Gov. Ynares at Vice Gov. San Juan.
Sa Taytay, ayon kay dating provincial administrator at Knights of Rizal Supreme Commander Ver Esguerra, ang paggunita kay Dr. Jose Rizal ay gagawin sa harap ng munisipyo, at pangungunahan ni Mayor Janet de Leon Mercado.
Tampok na panauhing tagapagsalia, matapos ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ng pambansang bayani, si Department of Trade and Industry (DTI)-Rizal Director Mercedes Parreno. Magbibigay din ng mensahe si Mayor Mercado, ang unang babaeng alkalde ng Taytay. Bahagi rin ng programa ang pagpaparangal kay dating Knights of Rizal Supreme Commander Atty. Rogelio M. Quiambao at kay dating Rizal Board Member Felipe Vital.
Ayon pa kay Esguerra, chairman ngayon ng Jose Rizal Model Students of the Philippines, bahagi rin ng okasyon ang pagkakaloob ng pagkilala sa 20 Jose Rizal Model Students of the Philippines. Ang parangal ay gagawin ngayong Disyembre 29 sa national headquarters ng Knights of Rizal sa tabi ng Manila Hotel sa Maynila.
Ang martyrdom ni Dr. Jose Rizal ay nagpaalab sa ningas ng pagkamakabayan sa mga Pilipino. Ang kanyang mga simulain ay gumising at nagmulat sa mga Pilipino na makilala ang pagtitiwala at dangal sa kanilang sarili. Naging ambag din sa paghihimagsik laban sa mapang-aping pananakop ng mga Kastila.
Inusig at pinatay si Dr. Jose Rizal ng mga Kastila ngunit hindi namatay ang kanyang alaala. Ang pangalan at mga pamana niya ay patuloy na nabubuhay sa diwa at puso ng lahing kayumanggi. (CLEMEN BAUTISTA)