Pinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-day preventive suspension ang 10 unit ng Palma Bus Corp. matapos masangkot ang isa sa mga ito sa aksidente sa Quezon noong Lunes ng gabi, na ikinasugat ng 55 pasahero.

Matatandaang nangyari ang aksidente dakong 8:30 ng gabi noong Disyembre 21 habang binabagtas ng isang Palma bus ang Quirino Highway sa Barangay San Vicente, Tagkawayan, Quezon.

Inatasan ni LTFRB Chairman Winston Ginez ang pamunuan ng Palma bus na isalang ang 10 unit nito sa Motor Vehicle Inspection Service (MVIS) ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City upang matukoy kung ligtas ang mga itong gamitin bago muling payagang bumiyahe.

Inobliga rin ng LTFRB ang management ng kumpanya na magsumite ng report sa sistema sa pagkuha at pangangasiwa nito ng mga driver.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Isasailalim rin ang driver ng bus na nasangkot sa aksidente na sumailalim sa Road Safety Seminar na isasagawa ng board o isang awtorisadong training center bukod pa sa pagsasalang sa kanya sa drug testing.

Inatasan din ni Ginez ang Palma Bus Corp. na isuko ang plaka ng 10 bus nito sa LTFRB Legal Division.

(Czarina Nicole O. Ong)