Isang 21-anyos na lalaki ang namatay habang malubhang nasugatan ang kanyang nakababatang kapatid matapos silang pagbabarilin ng kanilang kapibahay sa Basista, Pangasinan, kahapon.

Nakilala ang napatay na si Delfin Quitaleg Jr., habang ginagamot ngayon sa isang ospital ang kapatid nitong si Darwin, Grade 10 student, kapwa residente ng Barangay Mapolopolo sa bayan ng Basista.

Nadakip naman ng pulisya ang suspek ilang oras matapos mangyari ang krimen.

Nabatid sa imbestigasyon ng Basista Municipal Police na sakay ang magkapatid sa motorsiklo na minamaneho ng nakatatandang Quitaleg nang harangin ng suspek na kinilalang si Wilfredo Collo.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Ayon pa sa pulisya, bigla na lang pinagbabaril nang malapitan ng suspek ang magkapatid gamit ang isang improvised shotgun.

Idineklarang dead on arrival si Delfin ng mga doktor habang inoobserbahan pa ang nakababatang kapatid nito sa isang ospital.

Sinabi ng mga imbestigador na posibleng away sa lupa ang motibo sa pamamaril sa mga biktima. - Fer Taboy