Ex-La Salle and PBA Hall of Famer Lim Eng Beng, pumanaw na.
Pumanaw na ang dating manlalaro ng De La Salle University (DLSU) at Philippine Basketball Association (PBA) Hall of Famer na si Emeritus Lim Eng Beng makalipas ang halos tatlong taon nitong pakikipaglaban sa sakit na kanser sa atay.
Si Beng ay binawian ng buhay sa edad na 64 sa St. Luke’s Hospital sa Quezon City, Lunes ng umaga (Disyembre 21, 2015).
Ang 5-foot-11 guard ay namuno ng La Salle sa dalawang titulo sa NCAA sa kanyang rookie year noong 1971 at sa kanyang huling taon ng paglalaro noong 1974 kung saan siya ang itinanghal na Most Valuable Player. Siya lang ang nagtala ng college game record na 55-puntos sa kanyang huling taon ng paglalaro sa koponan ng Green Archers.
Siya ay ginawaran ng DLSAA Sports Hall of Fame noong 1998.
Naging makulay ang karera ni Beng sa PBA mula taong 1975 hanggang 1986 kung saan naglaro siya sa ilalim ng koponan ng Concepcion Industries, U-Tex, San Miguel, Crispa, Shell at Manila Beer.
Nakabilang din siya sa PABL noong 1988 bilang playing coach ng AGFA hanggang taong 1990.
Si Beng ay miyembro ng PBA Mythical 5 team mula 1975 hanggang 1978.
Ang pangalan ni Beng ay nakabilang sa PBA’s 25 Greatest Player list noong 2000 at umangat ito sa Hall of Fame noong Nobyembre 17, 2013. Sa taong ito, naging bahagi si Beng at kasama sa listahan ng PBA 40 Greatest players.
Enero 2013 nang madiskubre ng mga doktor na si Beng ay mayroong Stage 3 liver cancer at binigyan ito ng taning na mabuhay hanggang 3-taon. (Abs-Cbn Sports)