Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na may pagkakataon pang muling maging aktibong botante ang mga hindi nakahabol sa biometrics validation.

Ayon kay Commissioner Rowena Guanzon, maaari namang iproseso ng mga deactivated voter ang kanilang biometrics pagkatapos ng 2016 elections sa Mayo 9, bago idaos ang barangay elections sa Oktubre ng susunod na taon.

Aniya, kapag na-validate na ang biometrics, maaari nang makaboto sa Barangay Elections ang isang botante.

Kaugnay nito, ikinagalak ni Guanzon ang ginawang pagbasura ng Korte Suprema sa petisyong kumukuwestiyon sa “No Bio, No Boto”.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Aniya, dahil sa desisyon ng Korte Suprema ay hindi na nila kakailanganin pa na baguhin ang kanilang project precincts lalo pa’t napakahirap umanong magbalik ng pangalan ng mga botante.

Sa desisyon ng Korte Suprema na pinonente ni Justice Estela Perlas Bernabe, sinabi niya na walang batayan para ideklarang unconstitutional ang “No Bio, No Boto”, partikular na ang RA 10367 o An Act Providing for Mandatory Biometrics Voter Registration.

Ito ay dahil ang registration requirement na nakasaad sa nasabing batas ay hindi naman tumutukoy sa literacy, property at substantive requirement na pinag-isipan ng mga bumalangkas ng Saligang Batas para sa pagboto.

Naniniwala rin ang Korte Suprema na layunin ng itinakdang regulation sa ilalim ng “No Bio No Boto” na malinis ang national voter registry nang sa gayon ay maalis ang isa sa maaaring pagmulan ng pandaraya. (Mary Ann Santiago)