Jonalyn Viray
Jonalyn Viray
HINDI itinanggi ni Jonalyn Viray na open siyang mag-guest sa ASAP 20 ng ABS-CBN at talagang pinapanood daw niya ang programa dahil gandang-ganda at nagagalingan siya sa lahat ng performers doon.

Expired na ang kontrata ni Jonalyn sa GMA-7, ang network na nakadiskubre sa kanya nang manalo siya sa unang edition ng Pinoy Pop Superstar noong edad 15 pa lang siya.

Sampung taon siyang naging contract artist ng Kapuso Network na maraming natutuhan at maraming blessings na natanggap kaya labis-labis ang pasasalamat niya sa pag-aalaga sa kanya ng Siyete.

Pero may gusto pang mangyari si Jonalyn sa career niya kaya hindi na siya nag-renew at hoping siya na ngayong freelancer na siya ay mapansin siya ng ibang network para mai-share pa ang talento niya sa pagkanta.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Maganda at buo ang boses ni Jonalyn kaya keri niyang makipagsabayan sa mga biritera ng ABS-CBN.

“Expired na po ang kontrata ko sa network noong May. Malaki po ang utang na loob ko sa GMA at wala po ako sa kinalalagyan ko ngayon kung hindi dahil sa pag-aaruga sa akin ng network at management nito.

“Bittersweet po talaga ang pakiramdam ko dahil tahanan ko ang GMA sa nakalipas na sampung taon at hinding-hindi ko po makakalimutan ang mga ginawa nila para sa akin, pero excited din po ako sa mga puwedeng mangyari sa hinaharap.

“Ang maganda, puwede pa rin po akong lumabas sa mga shows ng GMA at ng ibang networks din. Freelance artist na po ako ngayon at excited na rin po ako sa bagong phase ng aking career,” kuwento ni Jonalyn nang makakuwentuhan namin last week.

Nabanggit namin na parang hindi pa rin siya gaanong sumikat. Ikinumpara namin siya kay Morissette Amon na produkto ng Star Factor ng TV5 na pagkalipas ng dalawang taon na walang nangyari sa singing career ay nag-audition sa The Voice Season 1, at kahit hindi nanalo ay kaliwa’t kanan na ang shows at citations habang nasa ABS-CBN at parati pang naiimbitahan sa TFC shows sa iba’t ibang bansa.

Pero mas perfect example si Angeline Quinto na simula nang manalo sa Star Power ay sikat na sikat na. Kung tutuusin, mas matagal si Jonalyn sa mga nabanggit, pero anyare? 

Ngayon, sariling kayod talaga ang mang-aawit ng San Mateo, Rizal para mai-promote ang kanyang concert at album.

Pero huwag isnabin, may mga naipundar na si Jonalyn sa sampung taon niya sa show business.

“Nakabili po ako ng lupa sa Baguio City, kasi mura at maganda po ‘yung lugar, plano ko pong patayuan either bahay o condo na puwedeng paupahan. ‘Tapos puro investments po sa insurance na after 10 or 20 years ay makukuha mo nang malaki ang cash value nito,” kuwento ng dalagang singer.

Sa bahay na napanalunan niya nakatira ang kanilang pamilya.

“Plano ko pong palakihan saka marami po kasi akong alagang pets, mga ni-rescue ko, kasi ‘yung iba puro injured na nasa lansangan lang, ‘yung iba left to die na. So sila po ang babies ko, kaya need ko magtrabaho dahil ang mahal ng maintenance.”

(Inirekomenda namin si Jonalyn kay Dr. Syvert Lloyd Tan, ang vet ng alaga naming Labrador na si Sam, na 24 hours ay puwedeng tawagan o i-text in case of emergency.)

SRO ang nakaraang concert ni Jonalyn sa Music Museum na pinamagatang Journey Into My Heart na ang repertoire niya ay ang hits na ini-record niya sa loob ng sampung taon niya sa industry.

Pinaghahandaan ngayon ng morenang singer ang launching sa 2016 ng kanyang bagong 5-track album na pinamagatang Heart of Glass produced ng Creative Media Entertainment. In-arrange, inirekord at prinodyus ang carrier single ng Heart of Glass sa Amerika, at available na ngayon sa digital downloading.

Samantala, tawa kami nang tawa habang sarap na sarap kami nina Katotong Vinia Vivar at Ateng Maricris Nicacio sa pagkain ng churros sabay sawsaw sa tsokolateng tablea at nanonood si Jonalyn. 

“Ano po ba ‘yan,” tanong niya sa amin. “Patikim nga po,” sabay kain. “Wow, ang sarap naman nito. Ngayon lang ako nakatikim nito.”

“Uy, bawal sa ‘yo ang tsokolate,” saway namin na mabilis niyang sinagot ng, “tubig lang po katapat, penge pa, ang sarap!”

Nang maubos na ay umorder ulit ng churros si Ateng Maricris at nang akmang kukunin na ng waiter ang natirang tsokolate para palitan ng bago, nagulat kami sa reaksiyon ng dalaga.

“Ay, kuya...” sabay pigil ng mga kamay ng waiter, “‘wag muna, iwan mo na lang.” 

Nakakaloka, halatang deprived si Jonalyn sa tsokolate. Bawal naman talaga kasi sa singers ang matatamis na pagkain at malalamig na inumin.

Pero bago nilantakan ni Jonalyn ang churros ay panay ang paalam niya sa manager niyang si Ms. Arlene Meyer ng Creative Media Entertainment. (Reggee Bonoan)