DALAWA pa lang sa mga kandidato sa pagkapangulo ang alam kong nagbigay na ng maliwanag na posisyon sa isyu ng death penalty. Si VP Binay, sa pagiging human rights lawyer noon, ay tutol sa pagbabalik nito. Si Mayor Duterte naman, na ang ipinagmamalaking solusyon sa krimen ay karahasan, ay pabor dito. Ayon sa kanyang spokesman, kapag naging Pangulo si Mayor ay ibabalik nito ang parusang kamatayan. Sa isyung ito nahahati ang bansa.

Tutol din ako na ibalik ang death penalty na matigas kong pinanindigan at idinepensa noong ako ay nasa radyo pa. Kaya nang makalusot ang isang caller, ako ay tinanong: “Kung ang anak mo ba ang pinaslang o kaya ginahasa, hindi ba magbabago ang iyong posisyon?”

“Sasagutin kita ng tanong din”, sagot ko. “Kung ang anak mo ay binitay dahil pinanagot siyang pumaslang at nanggahasa na alam mo ay hindi niya ginawa, sasang-ayon ka ba sa akin na huwag ibalik ang death penalty?”

“Pero, nilitis naman siya,” wika niya, “at ilang korte ang nag-aral sa kanyang kaso bago siya hinatulan.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nandito ang problema sa paglilitis.

Ang malinis na hukom, sa pag-aaral ng kaso, ay natatanglawan lang ng ebidensiya. Kung ano ang tingin niya na sinasabi ng ebidensiya ang pagbabatayan niya ng kanyang hatol. Eh, bago dumating sa hukom ang ebidensiya, daraan ito sa kamay ng imbestigador, pulis man siya o NBI. Dito sinasala ang ebidensiya. Napakaluwag ng espasyo at pagkakataon para mangalap, maipon, maiayos o masupil ang ebidensiya. Sa paglilitis, puwede itong madiskubre, pero sa masusing pag-aaral. Ang katulong ng hukom sa pagkilatis sa ebidensiya ay ang mga abogado.

Bihira ang dukha na makakakuha ng libreng abogado na mag-aaral sa kanyang kaso. Dahil ito ang kanyang kalagayan, madalas na siya ang ginagawang fall guy. Napakabilis ng paglilitis at paghatol sa dukha. Makakakuha naman ang masalapi ng serbisyo ng abogado na hindi lamang pag-aaralang mabuti ang kaso, kundi gagamitin ang nalalaman niya sa batas para mapahaba ang paglilitis hanggang sa mawalan na ng testigo o manghinawa na ang humihingi ng katarungan at ito ay paaareglo na.

Buhat nang magbitay ang gobyerno, maliban sa iilan, lahat ng nabitay ay dukha. Palalalimin lamang ang bangin sa pagitan ng mayaman at dukha. (RIC VALMONTE)