Iniuwi ng Quezon City ang kabuuang 29 na gintong medalya sa nakatayang 44 sa swimming habang lalong umigting ang labanan sa 26 na iba pang sports na ginaganap sa 2015 Batang Pinoy National Championships dito sa Cebu City Sports Complex.

Pinangunahan ng 12-anyos na si Miguel Barreto sa iniuwi nitong anim na gintong medalya kasama ang isang rekord para sa Big City na huling humakot ng kabuuang siyam sa ikatlo at huling araw ng kompetisyon na nagtulak sa local government unit upang hawakan ang pansamantalang overall leadership.

Nag-ambag din sa QC si Rafael Barreto at Camiile Lauren Buico na kapwa may 5 ginto habang tig-tatlo sina Alyza Paige Ng, Philip Joaquin Yu-Santos at Marjorie Manguiat.

Nag-uwi naman ng limang ginto ang mula sa Talisay City na si Raven Faith Alcoseba ng Cebu Province habang may tatlo si Aubrey Sheian Bermejo ng Iligan na naorasan ng 2:20.52s sa girls 200m free upang tabunin ang dating pinakamatagal na rekord ni Reena Danggoy ng Quezon Province na itinala noong 2001 Batang Pinoy.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagtala din ng rekord sa swimming si Gian Carlo de Guzman ng Lipa City sa 400m Individual medley (2:29.14s) sa pagtabon nito sa 11-12 boys 200m backstroke record ni Seth Martin ng QC (2:33.03s) na itinala sa Bacolod noong nakaraang taon.

Binura din ni Barreto ang tatlong taong rekord ni Miguel Adorneo ng Lucena sa boys 11-12 400m IM mula sa dating 5:34.04s tungo sa mas mabilis na 5:24.70s habang pinabilis ni Gianna Garcia ng Manila ang record sa girls 11-12 sa oras nitong 5:38.69s upang tabunan oras ni Zoe Marie Hilario ng Davao City (5:39.59s).

Huling nakapagtala ng rekord si Philip Joaquin Yu-Santos ng host Cebu sa 13-15 boys 400m IM sa itinala nitong 4:52.96s na tumabon sa itinala ni Ianiko Limfilipino ng QC na 4:56.17 noong 2014 Bacolod Batang Pinoy.

Hinablot naman ni Brent Valelo ng Caloocan City ang ikalawa nitong ginto matapos magwagi sa boys duathlon sa naging mahigpitan na labanan tungo sa finish line sa triathlon event na ginanap sa Danao City.

Itinala ni Valelo ang 38.07 minuto sa 3km run, 12km bike at 2km run upang ungusan sa photo finish na labanan si Yuan Chiongbian ng Cebu na may katulad din na oras. Ikatlo si John Caleb Berlin ng Iloilo City na may 38.70 oras.

Napunta ang ginto sa girls duathlon kay Una Janus Sibayan ng Muntinlupa sa kabuuang itinalang 45.46 minuto habang ikalawa si Catherine Angeli Yu ng Cebu na may 45.52 minuto. Ikatlo si Lauren Justine Plaza na may isinumiteng 46.34 minuto. - Angie Oredo