Aabot sa 900 sasakyan ang hinatak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan sa loob ng 22-araw sa clearing operation laban sa illegal parking at iba pang road obstruction sa “Mabuhay Lane” sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Special Operations Officer Emmanuel Miro, mula Nobyembre 2 hanggang 23, umabot sa 891 sasakyan ang nahatak ng ahensiya at dinala sa MMDA impounding area sa Pasig City dahil sa illegal parking.
Bukod pa ang 404 na motorsiklo, 135 sedan, at 73 truck, tricycle, taxi, utility van, multicab, jeep, tri-bike at bus.
Ang 17 Mabuhay Lane ay binuo bilang mga alternatibong ruta na maaaring gamitin ng mga motorista na nais makaiwas sa trapik sa EDSA.
Batay sa regulasyon ng MMDA, ang Mabuhay lane ay dapat maging malinis sa lahat ng uri ng traffic obstruction sa loob ng 24-oras.
Plano ng MMDA na dagdagan ang Mabuhay lane sa southern Metro Manila alinsunod sa rekomendasyon ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon naman kay MMDA Chairman Emerson Carlos, maraming natuwa sa kampanya ng ahensiya ngunit may ilang insidenteng nakalulungkot makaraang mauwi sa karahasan ang ilang ikinasang operasyon. (BELLA GAMOTEA)