Isang empleyado ng Manila Electric Company (Meralco) ang nasawi matapos sumalpok sa konkretong barrier ang minamaneho niyang kotse bago tuluyang nahulog sa Pasig River sa Makati City, kahapon ng umga.

Kinilala ni PO3 Wilson Nacino ng Makati Traffic Unit ang namatay na si Jose Marie Garcia, 27, ng Barangay Dolores, Taytay, Rizal.

Bago nahulog ang minamanehong Toyota Vios ni Garcia, na isang service vehicle ng Meralco, nahagip nito ang isang istambay na nakilalang si Edwin Billones, 43, ng Barangay South Side, Makati City, na nagtamo ng minor injuries sa katawan.

Nangyari ang insidente dakong 5:35 ng umaga sa J. P. Rizal Avenue, Barangay Cembo.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Narekober ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bangkay ni Garcia halos dalawang oras matapos mahulog ang kanyang sasakyan sa Pasig River.

Lumitaw sa imbestigasyon na patungo sana si Garcia sa Lawton sa Maynila nang mawalan ito ng kontrol sa sasakyan sa hindi pa mabatid na dahilan, bago sumalpok sa konkretong barrier at nahulog sa Pasig River. (Rachel Joyce Burce)